Bilang 28:11-21 Ang Salita ng Dios (ASND)

11. “ ‘Sa bawat unang araw ng buwan, maghahandog kayo ng handog na sinusunog sa Panginoon. Ang inyong handog ay dalawang batang toro, isang lalaking tupa at pitong batang lalaking tupa na isang taong gulang. Kailangan na walang kapintasan ang lahat ng mga ito.

12. Ang bawat toro ay sasamahan ng handog bilang pagpaparangal sa Panginoon na mga anim na kilo ng magandang klaseng harina na hinaluan ng langis, bawat isang lalaking tupa ay sasamahan din ng handog na may mga apat na kilo ng magandang klaseng harina na hinaluan ng langis bilang pagpaparangal sa Panginoon.

13. At ang batang lalaking tupa ay sasamahan ng handog na dalawang kilo ng magandang klaseng harina na hinaluan ng langis bilang pagpaparangal sa Panginoon. Itoʼy mga handog na sinusunog, ang mabangong samyo nito ay makalulugod sa Panginoon.

14. Ang bawat toro ay sasamahan ng handog na inumin na dalawang litrong katas ng ubas. At ang bawat batang tupa ay sasamahan ng mga isang litrong alak. Ito ang buwanang handog na sinusunog na inyong gagawin sa bawat simula ng buwan sa buong taon.

15. Maghandog pa kayo sa Panginoon ng isang lalaking kambing bilang handog sa paglilinis. Gawin ninyo ito bukod pa sa pang-araw-araw na handog na sinusunog at sa mga handog na inumin.’

16. “Ipagdiwang ninyo ang Pista ng Paglampas ng Anghel sa ika-14 na araw ng unang buwan.

17. Bukas magsisimula ang pitong araw na pista. At sa loob ng pitong araw, huwag kayong kakain ng tinapay na may pampaalsa.

18. Sa unang araw ng pista, huwag kayong magtatrabaho, sa halip magtipon kayo para sumamba sa Panginoon.

19. Maghandog kayo sa Panginoon ng handog na sinusunog na dalawang batang toro, isang lalaking tupa at pitong batang lalaking tupa na isang taong gulang. Kailangan na walang kapintasan ang lahat ng mga ito.

20. At sa paghahandog ninyo nito, samahan ninyo ito ng magandang klaseng harina na hinaluan ng langis, anim na kilo sa bawat toro, apat na kilo sa lalaking tupa

21. at dalawang kilo sa bawat batang tupa.

Bilang 28