1. Sinabi ng Panginoon kay Moises,
2. “Sabihin mo sa mga Israelita na kailangan silang maghandog sa akin ng mga handog sa pamamagitan ng apoy sa nakatakdang panahon. Ang mga handog na ito ay ang pagkain ko, at ang mabangong samyo nito ay makalulugod sa akin. Kaya sabihin mo ito sa mga Israelita:
3. ‘Ito ang mga handog sa pamamagitan ng apoy na inyong iaalay sa Panginoon araw-araw: dalawang tupa na isang taong gulang at walang kapintasan.
4. Ang isang handog ay sa umaga at isa sa hapon,
5. kasama ng handog bilang pagpaparangal sa Panginoon na dalawang kilo ng magandang klaseng harina na hinaluan ng isang litrong langis ng olibo.
6. Ito ang pang-araw-araw na handog na inyong susunugin na iniutos noon ng Panginoon sa inyo sa Bundok ng Sinai. Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy ay makalulugod sa Panginoon.
7. Ang handog na inumin na isasama sa bawat tupa ay isang litrong alak at ibubuhos ito sa banal na lugar para sa Panginoon.
8. Ito rin ang gagawin ninyo sa ikalawang tupa na ihahandog ninyo sa hapon. Samahan din ninyo ito ng isang handog bilang pagpaparangal sa Panginoon at handog na inumin. Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy ay makalulugod sa Panginoon.
9. “ ‘Sa araw ng Pamamahinga, maghandog kayo ng dalawang tupa na isang taong gulang at walang kapintasan, kasama ang handog na inumin at ang handog bilang pagpaparangal sa Panginoon na apat na kilo ng magandang klaseng harina na hinaluan ng langis.