11. Kung walang kapatid na lalaki ang kanyang ama, ibigay ang kanyang lupa sa pinakamalapit niyang kamag-anak at ang kanyang kamag-anak ang magmamana ng lupa. Itoʼy susundin ng mga Israelita bilang isang legal na kautusang dapat sundin, ayon sa iniutos ko sa iyo, Moises.”
12. Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Moises, “Umakyat ka sa kabundukan ng Abarim at tingnan mo roon ang lupaing ibinigay ko sa mga Israelita.
13. Pagkatapos mong makita ito, sasama ka na sa piling ng mga yumao mong ninuno, tulad ng kapatid mong si Aaron.
14. Dahil noong nagrebelde ang mga Israelita sa akin doon sa bukal ng ilang ng Zin, sinuway ninyo ni Aaron ang aking utos na ipakita ang aking kabanalan sa mga mamamayan.” (Ang bukal na ito ay ang Meriba na nasa Kadesh sa ilang ng Zin.)
15. Sinabi ni Moises sa Panginoon,
16. “O Panginoon, Dios na pinanggagalingan ng buhay ng lahat ng tao, pumili po sana kayo ng isang tao na mamumuno sa mga mamamayang ito
17. at mangunguna sa kanila sa labanan, upang ang inyong mga mamamayan ay hindi maging tulad ng mga tupang walang tagapagbantay.”
18. Kaya sinabi ng Panginoon kay Moises, “Ipatawag si Josue na anak ni Nun, na puspos ng Espiritu, at ipatong mo ang iyong kamay sa kanyang ulo.
19. Patayuin siya sa harapan ng paring si Eleazar at ng buong kapulungan, at ipaalam mo sa kanila na pinili mo siya para pumalit sa iyo.