Bilang 25:4-13 Ang Salita ng Dios (ASND)

4. Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Kunin mo ang lahat ng pinuno ng mga taong ito, at patayin sila sa aking presensya habang nakatingin ang mga tao, para mawala na ang matindi kong galit sa Israel.”

5. Kaya sinabi ni Moises sa mga hukom ng Israel, “Kailangang patayin ninyo ang mga taong sumamba kay Baal ng Peor.”

6. Ngayon, may isang Israelitang nagdala ng isang Midianitang babae sa kanyang pamilya. Nakita ito ni Moises at ng buong kapulungan ng Israel habang nagluluksa sila roon sa pintuan ng Toldang Tipanan.

7. Pagkakita rito ni Finehas na anak ni Eleazar at apo ng paring si Aaron, umalis siya sa kapulungan at kumuha ng sibat.

8. Sinundan niya ang tao sa loob ng tolda, at sinibat niya ang dalawa. Pagkatapos, huminto ang salot sa Israel,

9. pero 24,000 ang namatay dahil sa salot.

10. Sinabi ng Panginoon kay Moises,

11. “Inalis ni Finehas na anak ni Eleazar at apo ng paring si Aaron ang aking galit sa mga Israelita. Sa pamamagitan ng kanyang ginawa, ipinakita niya ang kanyang kagustuhan na protektahan ang aking karangalan sa gitna nila. Kaya hindi ko sila nilipol.

12. Kaya sabihin mo sa kanya na gagawa ako ng kasunduan sa kanya na pagpapalain ko siya.

13. At sa kasunduang ito, siya at ang kanyang mga angkan ang magiging mga pari magpakailanman dahil ipinakita niya ang aking galit at tinubos niya ang mga Israelita sa kanilang mga kasalanan.”

Bilang 25