12. Sumagot si Balaam kay Balak, “Hindi baʼt sinabihan ko ang iyong mga mensahero,
13. na kahit ibigay mo pa sa akin ang iyong palasyong puno ng pilak at ginto, hindi ako makakagawa ng sarili kong kagustuhan, masama man ito o mabuti. Kung ano ang sinasabi ng Panginoon sa akin, iyon lang ang aking sasabihin.
14. Uuwi ako ngayon din sa aking mga kababayan, pero bago ako umalis, paaalalahanan muna kita kung ano ang gagawin ng mga Israelitang ito sa iyong mga mamamayan balang araw.”
15. Pagkatapos, sinabi ni Balaam ang mensaheng ito: “Ako si Balaam na anak ni Beor, at may malinaw akong pang-unawa.
16. Narinig ko ang salita ng Kataas-taasang Dios, at nakakita ako ng pangitain mula sa Makapangyarihang Dios. Nagpatirapa ako sa kanya at nagpahayag siya sa akin. Ito ang aking mensahe:
17. “May nakita ako sa aking pangitain na hindi pa nangyayari. Sa hinaharap, mamamahala ang isang hari sa Israel mula sa lahi ni Jacob. Ibabagsak niya ang mga Moabita at ang lahat ng lahi ni Set.
18. Sasakupin niya ang Edom na kanyang kaaway, na tinatawag din na Seir, habang tumatatag ang Israel.
19. Mamumuno ang isang pinuno sa Israel at ibabagsak niya ang mga natirang buhay sa lungsod ng Moab.”
20. Pagkatapos, nakita ni Balaam sa kanyang pangitain ang mga Amalekita at sinabi niya, “Ang Amalek noon ang nangunguna sa mga bansa, pero sa huli, babagsak ito.”
21. Pagkatapos, nakita na naman ni Balaam sa kanyang pangitain ang mga Keneo at sinabi niya, “Matatag ang inyong tinitirhan, dahil nakapatong ito sa mga bato
22. pero babagsak kayo kapag binihag kayo ng Asiria.”
23. At sinabi pa ni Balaam ang mensaheng ito, “Kahabag-habag, sino ba ang mabubuhay kung gagawin ito ng Dios?