5. Binigyan ng Panginoon si Balaam ng mensahe at sinabi, “Bumalik ka kay Balak at sabihin sa kanya ang mensaheng ito.”
6. Kaya bumalik si Balaam, at nakita niya si Balak na nakatayo sa tabi ng kanyang mga handog, kasama ng lahat ng pinuno ng Moab.
7. Pagkatapos, sinabi ni Balaam,“Ipinatawag mo ako, Haring Balak ng Moab, mula sa Aram, sa kabundukan sa silangan. Sinabi mo sa akin, ‘Dali, sumpain mo ang mga lahi ni Jacob para sa akin. Sumpain sila na mga mamamayan ng Israel.’
8. Paano ko susumpain ang mga taong hindi isinusumpa ng Dios? Paano ko susumpain ang mga taong hindi isinusumpa ng Panginoon?
9. Mula sa itaas ng bundok, nakita ko sila. Nabubuhay sila nang sila lang, na nakabukod sa ibang mga bansa.
10. Sino ba ang may kayang bumilang sa kanilang dami na tulad ng buhangin sa tabing-dagat? Mamatay sana ako na tulad ng matuwid na mga mamamayan ng Dios.”
11. Sinabi ni Balak kay Balaam, “Ano itong ginawa mo sa akin? Dinala kita rito para sumpain ang aking mga kaaway pero ang ginawa mo, binasbasan mo pa sila!”
12. Sumagot si Balaam, “Kailangang sabihin ko ang sinabi ng Panginoon sa akin.”
13. Pagkatapos, sinabi ni Balak sa kanya, “Sumama ka sa akin sa isa pang lugar na kung saan makikita mo ang iba pang mga mamamayan ng Israel, pero hindi ang lahat. At doon, sumpain mo sila.”
14. Kaya dinala ni Balak si Balaam sa isang bukid sa Zofim, sa ibabaw ng bundok ng Pisga, at doon nagpatayo sila ng pitong altar at naghandog ng pitong baka at pitong lalaking tupa, isa sa bawat altar.
15. Sinabi ni Balaam kay Balak, “Dito ka lang sa tabi ng iyong handog habang nakikipagkita ako sa Panginoon diyan sa unahan.”
16. Nakipagkita ang Panginoon kay Balaam at binigyan niya siya ng mensahe. At sinabi niya, “Bumalik ka kay Balak at sabihin mo sa kanya ang mensaheng ito.”
17. Kaya nagbalik si Balaam kay Balak, at nakita niya siya na nakatayo sa tabi ng kanyang handog, kasama ng mga pinuno ng Moab. Nagtanong si Balak kay Balaam, “Ano ang sinabi ng Panginoon sa iyo?”
18. Sinabi ni Balaam, “Dali, Balak na anak ni Zipor, at pakinggan mo ako.