Bilang 23:14-29 Ang Salita ng Dios (ASND)

14. Kaya dinala ni Balak si Balaam sa isang bukid sa Zofim, sa ibabaw ng bundok ng Pisga, at doon nagpatayo sila ng pitong altar at naghandog ng pitong baka at pitong lalaking tupa, isa sa bawat altar.

15. Sinabi ni Balaam kay Balak, “Dito ka lang sa tabi ng iyong handog habang nakikipagkita ako sa Panginoon diyan sa unahan.”

16. Nakipagkita ang Panginoon kay Balaam at binigyan niya siya ng mensahe. At sinabi niya, “Bumalik ka kay Balak at sabihin mo sa kanya ang mensaheng ito.”

17. Kaya nagbalik si Balaam kay Balak, at nakita niya siya na nakatayo sa tabi ng kanyang handog, kasama ng mga pinuno ng Moab. Nagtanong si Balak kay Balaam, “Ano ang sinabi ng Panginoon sa iyo?”

18. Sinabi ni Balaam, “Dali, Balak na anak ni Zipor, at pakinggan mo ako.

19. Ang Dios ay hindi tao na magsisinungaling, o magbabago ng kanyang isip. Nagsasabi ba siya ng hindi niya ginagawa? Nangangako ba siya ng hindi niya tinutupad?

20. Inutusan niya akong magbasbas, at kapag nabasbasan na niya, hindi ko na ito mababawi pa.

21. Wala akong nakitang kapahamakan o kaguluhan na dadating sa Israel. Kasama nila ang Panginoon na kanilang Dios; kinikilala nila siya na kanilang hari.

22. Inilabas sila ng Dios sa Egipto; tulad siya ng isang malakas na toro para sa kanila.

23. Walang manghuhula o mangkukulam na makakasakit sa kanila. Kaya sasabihin ng mga tao tungkol sa Israel, ‘Tunay na kamangha-mangha ang ginawa ng Dios sa Israel.

24. Tulad ng isang leong handang sumalakay ang mamamayang ito at hindi nagpapahinga hanggang sa malamon niya ang kanyang biktima at mainom ang dugo nito.’ ”

25. Pagkatapos, sinabi ni Balak kay Balaam, “Kung hindi mo sila susumpain, huwag mo silang pagpapalain!”

26. Sumagot si Balaam, “Hindi baʼt sinabihan na kita na kailangang gawin ko kung ano ang sasabihin ng Panginoon sa akin?”

27. Muling sinabi ni Balak kay Balaam, “Halika, dadalhin kita sa ibang lugar. Baka roon, pumayag na ang Dios na sumpain mo ang Israel para sa akin.”

28. Kaya dinala ni Balak si Balaam sa ibabaw ng Bundok ng Peor, kung saan nakikita ang disyerto sa ibaba.

29. Sinabi ni Balaam, “Pagawan mo ako rito ng pitong altar at maghanda ka ng pitong toro at pitong lalaking tupa para sa akin.”

Bilang 23