Bilang 23:1-10 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. Sinabi ni Balaam kay Balak, “Pagawan mo ako rito ng pitong altar, at ipaghanda mo ako ng pitong toro at pitong matandang lalaking tupa.”

2. Sinunod ni Balak ang sinabi ni Balaam, at silang dalawa ang naghandog ng toro at ng lalaking tupa sa bawat altar.

3. Pagkatapos, sinabi ni Balaam kay Balak, “Dito ka lang sa tabi ng iyong handog dahil aalis ako. Baka makipagkita ang Panginoon sa akin. Sasabihin ko na lang sa iyo kung ano ang sasabihin niya sa akin.” Kaya umakyat siya sa itaas ng burol.

4. Nakipagkita ang Panginoon sa kanya at sinabi ni Balaam, “Nagpagawa po ako ng pitong altar, at sa bawat altar ay naghandog ako ng isang batang toro at tupa.”

5. Binigyan ng Panginoon si Balaam ng mensahe at sinabi, “Bumalik ka kay Balak at sabihin sa kanya ang mensaheng ito.”

6. Kaya bumalik si Balaam, at nakita niya si Balak na nakatayo sa tabi ng kanyang mga handog, kasama ng lahat ng pinuno ng Moab.

7. Pagkatapos, sinabi ni Balaam,“Ipinatawag mo ako, Haring Balak ng Moab, mula sa Aram, sa kabundukan sa silangan. Sinabi mo sa akin, ‘Dali, sumpain mo ang mga lahi ni Jacob para sa akin. Sumpain sila na mga mamamayan ng Israel.’

8. Paano ko susumpain ang mga taong hindi isinusumpa ng Dios? Paano ko susumpain ang mga taong hindi isinusumpa ng Panginoon?

9. Mula sa itaas ng bundok, nakita ko sila. Nabubuhay sila nang sila lang, na nakabukod sa ibang mga bansa.

10. Sino ba ang may kayang bumilang sa kanilang dami na tulad ng buhangin sa tabing-dagat? Mamatay sana ako na tulad ng matuwid na mga mamamayan ng Dios.”

Bilang 23