13. Paggising ni Balaam kinaumagahan, sinabihan niya ang mga pinuno ni Balak, “Umuwi na lang kayo sa inyong bansa dahil hindi pumayag ang Panginoon na sumama ako sa inyo.”
14. Kaya umuwi ang mga pinuno ng Moab at pumunta kay Balak at sinabi, “Ayaw sumama ni Balaam sa amin.”
15. Kaya muling nagpadala si Balak ng mga pinuno na mas marami at mas marangal pa sa nauna.
16. Pumunta sila kay Balaam at sinabi:“Ito ang ipinapasabi ni Balak na anak ni Zipor: Huwag mong payagan na may humadlang sa pagpunta mo rito.
17. Babayaran kitang mabuti at gagawin ko ang anumang gustuhin mo. Sige na, pumunta ka na rito at sumpain ang mga taong ito para sa akin.”
18. Pero sumagot si Balaam sa kanila, “Kahit na ibigay pa ni Balak sa akin ang palasyo niyang puno ng pilak at ginto, hindi ko magagawang suwayin ang utos ng Panginoon na aking Dios, kahit na sa malaki o maliit lang na bagay.
19. Pero rito na lang muna kayo matulog ngayong gabi katulad ng ginawa ng iba ninyong mga kasama dahil baka may iba pang sabihin ang Panginoon sa akin.”
20. Noong gabing iyon, sinabi ng Dios kay Balaam, “Pumunta rito ang mga taong ito para tawagin ka, sumama ka na lang sa kanila, pero ang mga sasabihin ko lang sa iyo ang gawin mo.”
21. Kaya kinaumagahan, inihanda ni Balaam ang kanyang asno at sumama sa mga pinuno ng Moab
22. kasama ang kanyang dalawang katulong. Pero habang naglalakbay si Balaam, nagalit ang Panginoon, kaya hinarang siya ng anghel ng Panginoon sa daan.
23. Pagkakita ng asno na nakatayo ang anghel ng Panginoon sa daan na may hawak na espada, lumihis ng daan ang asno at nagpunta sa bukid. Kaya pinalo ito ni Balaam at pinabalik sa daan.
24. Pagkatapos, tumayo ang anghel ng Panginoon sa makitid na daan sa gitna ng dalawang pader ng mga ubasan.
25. Pagkakita ng asno sa anghel ng Panginoon, sumiksik siya sa pader at naipit ang paa ni Balaam sa pader kaya pinalo na naman ito ni Balaam.
26. Pagkatapos, lumakad sa unahan ang anghel ng Panginoon at tumayo sa mas makitid na daan na hindi na talaga makakadaan kahit sa magkabilang gilid.
27. Pagkakita ng asno sa anghel ng Panginoon, tumumba na lang ito at nagalit si Balaam, at pinalo na naman niya ito ng kanyang baston.
28. Pagkatapos, pinagsalita ng Panginoon ang asno, at sinabi niya kay Balaam, “Ano ba ang nagawa ko sa iyo para paluin mo ako ng tatlong beses?”
29. Sumagot si Balaam sa asno, “Ginawa mo akong parang luku-luko. Kung may espada lang ako, papatayin kita ngayon din.”
30. Sinabi ng asno kay Balaam, “Hindi baʼt ako ang asnong palagi mong sinasakyan? Umasal ba ako dati nang gaya nito?” Sumagot si Balaam, “Hindi.”