Bilang 21:10-26 Ang Salita ng Dios (ASND)

10. Nagpatuloy sa paglalakbay ang mga Israelita, at nagkampo sila sa Obot.

11. Mula sa Obot, naglakbay uli sila at nagkampo sa Iye Abarim, sa disyerto na nasa bandang silangan ng Moab.

12. Mula roon, naglakbay sila at nagkampo sa Lambak ng Zered.

13. At mula sa Zered naglakbay na naman sila at nagkampo sa kabila ng Lambak ng Arnon, na nasa ilang na malapit sa teritoryo ng mga Amoreo. Ang Arnon ang hangganan sa gitna ng lupain ng mga Moabita at lupain ng mga Amoreo.

14. Iyan ang dahilan kung bakit nakasulat sa Aklat ng Pakikipaglaban ng Panginoon ang bayan ng Waheb na sakop ng Sufa, ang mga lambak ng Arnon,

15. pati ang gilid ng mga lambak na umaabot sa bayan ng Ar na nasa hangganan ng Moab.

16. Mula roon sa Arnon, nagpatuloy ang mga Israelita sa Beer, ang balon na kung saan sinabi ng Panginoon kay Moises, “Tipunin ninyo ang mga tao at bibigyan ko sila ng tubig.”

17. At doon umawit ang mga Israelita ng awit na ito:Patuloy na magbibigay ng tubig ang balong ito!Aawit tayo tungkol sa balong ito

18. na ipinahukay ng mga pinuno at mararangal na tao sa pamamagitan ng kanilang kapangyarihan.Mula sa disyerto nagpunta sila sa Matana;

19. mula sa Matana nagpunta sila sa Nahaliel; mula sa Nahaliel nagpunta sila sa Bamot,

20. at mula sa Bamot nagpunta sila sa lambak ng Moab, na kung saan makikita ang disyerto sa baba ng tuktok ng Pisga.

21. Ngayon, nagsugo ng mga mensahero ang Israel kay Sihon na hari ng mga Amoreo. Ganito ang kanilang mensahe:

22. Kung maaari ay payagan nʼyo kaming dumaan sa inyong lupain. Hindi kami dadaan sa inyong mga bukid, o ubasan o iinom sa inyong mga balon. Dadaan lang kami sa inyong pangunahing daan hanggang sa makalabas kami sa inyong teritoryo.

23. Pero hindi pumayag si Sihon na dumaan ang mga Israelita sa kanyang teritoryo. Sa halip, tinipon niya ang kanyang mga sundalo at nagpunta sila sa disyerto para salakayin ang mga Israelita. Pagdating nila sa Jahaz, nakipaglaban sila sa mga Israelita.

24. Pero pinagpapatay sila ng mga Israelita, at inagaw nila ang kanilang lupain mula sa Arnon papunta sa Ilog ng Jabok. Pero hanggang sa hangganan lang sila ng lupain ng mga Ammonita dahil ang kanilang hangganan ay napapaderan.

25. Kaya naagaw ng mga Israelita ang lahat ng lungsod ng mga Amoreo at tinirhan nila ito, pati ang Heshbon at ang lahat ng baryo na sakop nito.

26. Ang Heshbon ang kabisera ng lungsod ni Sihon na hari ng mga Amoreo. Natalo niya noon ang isang hari ng Moab at inagaw niya ang lahat ng lupain nito hanggang sa Arnon.

Bilang 21