1. Nang mabalitaan ng Cananeong hari ng Arad na naninirahan sa Negev, na paparating ang mga Israelita na dumadaan sa Atarim, sinalakay niya sila at binihag ang iba sa kanila.
2. Pagkatapos, sumumpa ang mga Israelita sa Panginoon, “Kung ibibigay nʼyo po ang mga taong ito sa aming mga kamay, wawasakin namin nang lubusan ang kanilang mga bayan bilang handog sa inyo.”
3. Pinakinggan ng Panginoon ang pakiusap ng mga Israelita at ibinigay niya sa kanila ang mga Cananeo. Lubusan silang nilipol ng mga Israelita pati ang kanilang mga bayan bilang handog sa Panginoon, kaya tinawag itong lugar ng Horma.
4. Mula sa Bundok ng Hor, naglakbay ang mga Israelita na dumaan sa daan na papunta sa Dagat na Pula para makaikot sila sa lupain ng Edom. Pero nagsawa ang mga tao sa kanilang paglalakbay,
5. kaya nagreklamo sila sa Dios at kay Moises. Sinabi nila, “Bakit ba pinalabas mo pa kami sa Egipto para mamatay lang dito sa disyerto? Walang pagkain at tubig dito! At hindi na kami makakatiis sa nakakasawang ‘manna’ na ito!”
6. Kaya pinadalhan sila ng Panginoon ng mga makamandag na ahas at pinagkakagat sila, at marami ang nangamatay sa kanila.
7. Pumunta ang mga tao kay Moises at sinabi, “Nagkasala kami nang magsalita kami laban sa Panginoon at sa iyo. Ipanalangin ninyo sa Panginoon na tanggalin niya sa amin ang mga ahas na ito.” Kaya ipinanalangin ni Moises ang mga tao.
8. Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Gumawa ka ng tansong ahas at ilagay ito sa dulo ng isang tukod. Ang sinumang nakagat ng ahas na titingin sa tansong ahas na ito ay hindi mamamatay.”
9. Kaya gumawa si Moises ng tansong ahas at inilagay niya ito sa dulo ng isang tukod. At ang mga nakagat ng ahas na tumingin sa tansong ahas ay hindi nga namatay.
10. Nagpatuloy sa paglalakbay ang mga Israelita, at nagkampo sila sa Obot.
11. Mula sa Obot, naglakbay uli sila at nagkampo sa Iye Abarim, sa disyerto na nasa bandang silangan ng Moab.
12. Mula roon, naglakbay sila at nagkampo sa Lambak ng Zered.
13. At mula sa Zered naglakbay na naman sila at nagkampo sa kabila ng Lambak ng Arnon, na nasa ilang na malapit sa teritoryo ng mga Amoreo. Ang Arnon ang hangganan sa gitna ng lupain ng mga Moabita at lupain ng mga Amoreo.
14. Iyan ang dahilan kung bakit nakasulat sa Aklat ng Pakikipaglaban ng Panginoon ang bayan ng Waheb na sakop ng Sufa, ang mga lambak ng Arnon,