Bilang 20:11-29 Ang Salita ng Dios (ASND)

11. Pagkatapos, itinaas ni Moises ang kanyang baston, pinalo ng dalawang beses ang bato, at bumulwak ang tubig mula rito, at uminom ang mamamayan at ang kanilang mga hayop.

12. Pero sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron, “Dahil sa hindi kayo naniwala sa akin na ipapakita ko sa inyo ang aking kabanalan sa harap ng mga Israelita, hindi kayo ang mamumuno sa pagdadala ng mga mamamayang ito sa lupaing ibibigay ko sa kanila.”

13. Ang lugar na ito ay tinatawag na Meriba dahil nakipagtalo ang mga Israelita sa Panginoon sa lugar na ito, at dito rin ipinakita ng Panginoon ang kanyang kabanalan.

14. Habang naroon pa ang mga Israelita sa Kadesh, nagsugo si Moises ng mga mensahero sa hari ng Edom na nagsasabi, “Ito ang mensahe mula sa iyong kamag-anak, ang mamamayan ng Israel: Nalalaman mo ang lahat ng kahirapan na aming napagdaanan.

15. Pumunta ang aming mga ninuno sa Egipto, at matagal silang nanirahan doon. Inapi kami at ang aming mga ninuno ng mga Egipcio,

16. pero humingi kami ng tulong sa Panginoon at pinakinggan niya kami at pinadalhan ng anghel na naglabas sa amin sa Egipto.“Ngayon, naririto kami sa Kadesh, ang bayan sa tabi ng iyong teritoryo.

17. Kung maaari, payagan mo kaming dumaan sa inyong lupain. Hindi kami dadaan sa inyong mga bukid o ubasan o iinom sa inyong mga balon. Dadaan lang kami sa inyong pangunahing daan at hindi kami dadaan sa ibang mga daan hanggang sa makalabas kami sa inyong teritoryo.”

18. Pero ito ang sagot ng hari ng Edom, “Huwag kayong dadaan dito sa amin. Kung dadaan kayo, sasalakayin namin kayo at papatayin.”

19. Sumagot ang mga Israelita, “Dadaan lang kami sa pangunahing daan; at kung makakainom kami at ang aming mga hayop ng inyong tubig, babayaran namin ito. Dadaan lang kami sa inyo.”

20. Sumagot muli ang hari ng Edom:“Hindi kayo maaaring dumaan dito!” Pagkatapos, tinipon ng hari ng Edom ang kanyang malalakas na sundalo para makipaglaban sa mga Israelita.

21. Dahil ayaw magpadaan ng mga taga-Edom sa kanilang teritoryo, humanap na lang ang mga Israelita ng ibang madaraanan.

22. Umalis ang buong mamamayan ng Israel sa Kadesh, at pumunta sa Bundok ng Hor.

23. Doon sa Bundok ng Hor, malapit sa hangganan ng Edom, sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron,

24. “Dumating na ang panahon Aaron na isasama ka na sa piling ng mga yumao mong ninuno. Hindi ka makakapasok sa lupaing ibibigay ko sa mga Israelita dahil sumuway kayong dalawa ni Moises sa aking utos doon sa bukal ng Meriba.

25. Ngayon, Moises, dalhin mo si Aaron at ang anak niyang si Eleazar sa Bundok ng Hor.

26. Pagkatapos, hubaran mo si Aaron ng kanyang damit pampari at ipasuot ito sa anak niyang si Eleazar, dahil mamamatay si Aaron doon sa bundok at isasama na sa piling ng mga yumao niyang ninuno.”

27. Sinunod ni Moises ang iniutos sa kanya ng Panginoon. Umakyat sila sa Bundok ng Hor, habang nakatingin ang buong mamamayan.

28. Pagkatapos, hinubad ni Moises ang damit pampari ni Aaron, at ipinasuot niya ito kay Eleazar. At namatay si Aaron doon sa itaas ng bundok. Pagkatapos, bumaba sila Moises at Eleazar mula sa bundok.

29. Nang malaman ng buong mamamayan na patay na si Aaron, nagluksa sila para sa kanya sa loob ng 30 araw.

Bilang 20