Bilang 18:6-23 Ang Salita ng Dios (ASND)

6. Ako ang pumili ng kapwa mo Levita mula sa mga Israelita, para maging katulong mo. Itinalaga sila sa akin sa paglilingkod sa Toldang Tipanan.

7. Pero ikaw lang at ang iyong mga anak ang makapaglilingkod bilang mga pari, dahil kayo lang ang makakagawa ng mga gawain na may kinalaman sa altar at sa Pinakabanal na Lugar. Regalo ko sa inyo ang inyong pagkapari. Papatayin ang sinumang gagawa nito na hindi pari.”

8. Sinabi ng Panginoon kay Aaron, “Ako ang pumili sa iyo na mamahala sa banal na mga handog na inihahandog sa akin ng mga Israelita. Ibinibigay ko ito sa iyo at sa iyong mga anak bilang inyong bahagi magpakailanman.

9. May bahagi kayo sa pinakabanal na mga handog na ito na hindi sinusunog, na inihandog ng mga tao sa akin bilang pinakabanal na mga handog. Kasama ng mga handog na ito ang handog bilang pagpaparangal sa akin, handog sa paglilinis, at handog na pambayad ng kasalanan. Ito ang mga bahagi mo at ng iyong mga anak.

10. Kainin ninyo ito bilang isang pinakabanal na handog. Kailangang mga lalaki lang ang kakain nito at ituring ninyo itong banal.

11. Ang iba pang mga handog ng mga Israelita na itinataas sa altar ay para rin sa inyo. Ibinibigay ko ito sa iyo at sa iyong mga angkan, bilang inyong bahagi magpakailanman. Makakakain nito ang sinuman sa iyong pamilya na itinuturing na malinis.

12. Ibinibigay ko rin sa inyo ang mabubuting produkto na inihahandog ng mga Israelita mula sa una nilang ani: langis ng olibo, bagong katas ng ubas at trigo.

13. Magiging inyong lahat ang mga produkto na kanilang inihahandog mula sa unang ani ng kanilang lupa. Makakakain nito ang sinuman sa iyong pamilya na itinuturing na malinis.

14. “Ang lahat ng bagay sa Israel na ibinigay sa akin nang buo ay magiging inyo.

15. Ang lahat ng panganay na lalaki, tao man o hayop na inihahandog sa akin ay magiging inyo rin. Pero kailangang tubusin ninyo ang mga panganay na anak na lalaki at ang mga panganay na mga hayop na itinuturing na marumi.

16. Tubusin ninyo ito kung isang buwan na ang edad at kailangang tubusin ninyo ito sa halagang limang pirasong pilak ayon sa bigat ng pilak sa timbangang ginagamit ng mga pari.

17. Pero huwag ninyong tutubusin ang panganay na toro, tupa o kambing dahil sa akin ito. Katayin ninyo ito at iwisik ninyo ang dugo sa altar at sunugin ang mga taba bilang handog sa pamamagitan ng apoy. Ang mabangong samyo ng handog na ito ay makalulugod sa akin.

18. Sa inyo ang karne nito, gaya ng dibdib at ng kanang paa ng handog na itinataas ninyo.

19. Ibinibigay ko sa inyo ang lahat ng mga handog na itinataas ng mga Israelita sa akin. Para ito sa inyo at sa inyong mga angkan bilang inyong bahagi magpakailanman. Kasunduan ko ito sa iyo at sa iyong angkan na hindi magbabago magpakailanman.”

20. Sinabi pa ng Panginoon kay Aaron, “Kayong mga pari ay walang mamanahing lupa sa Israel, dahil ako mismo ang magbibigay ng inyong mga pangangailangan.

21. “Kung tungkol sa mga Levita, babayaran ko sila sa kanilang serbisyo sa Tolda. Ibibigay ko sa kanila ang lahat ng ikapu na ibinibigay ng mga Israelita bilang kanilang bahagi.

22. Mula ngayon, wala nang iba pang Israelita na lalapit sa Toldang Tipanan maliban sa mga pari at sa mga Levita, dahil kung lalapit sila, mananagot sila sa kanilang mga kasalanan, at mamamatay.

23. Ang mga Levita ang responsable sa mga gawain sa Toldang Tipanan, at mananagot sila sa kanilang magagawang kasalanan laban dito. Ang mga tuntuning ito ay dapat tuparin hanggang sa susunod pang mga henerasyon. Walang mamanahing lupa ang mga Levita sa Israel.

Bilang 18