Bilang 18:10-28 Ang Salita ng Dios (ASND)

10. Kainin ninyo ito bilang isang pinakabanal na handog. Kailangang mga lalaki lang ang kakain nito at ituring ninyo itong banal.

11. Ang iba pang mga handog ng mga Israelita na itinataas sa altar ay para rin sa inyo. Ibinibigay ko ito sa iyo at sa iyong mga angkan, bilang inyong bahagi magpakailanman. Makakakain nito ang sinuman sa iyong pamilya na itinuturing na malinis.

12. Ibinibigay ko rin sa inyo ang mabubuting produkto na inihahandog ng mga Israelita mula sa una nilang ani: langis ng olibo, bagong katas ng ubas at trigo.

13. Magiging inyong lahat ang mga produkto na kanilang inihahandog mula sa unang ani ng kanilang lupa. Makakakain nito ang sinuman sa iyong pamilya na itinuturing na malinis.

14. “Ang lahat ng bagay sa Israel na ibinigay sa akin nang buo ay magiging inyo.

15. Ang lahat ng panganay na lalaki, tao man o hayop na inihahandog sa akin ay magiging inyo rin. Pero kailangang tubusin ninyo ang mga panganay na anak na lalaki at ang mga panganay na mga hayop na itinuturing na marumi.

16. Tubusin ninyo ito kung isang buwan na ang edad at kailangang tubusin ninyo ito sa halagang limang pirasong pilak ayon sa bigat ng pilak sa timbangang ginagamit ng mga pari.

17. Pero huwag ninyong tutubusin ang panganay na toro, tupa o kambing dahil sa akin ito. Katayin ninyo ito at iwisik ninyo ang dugo sa altar at sunugin ang mga taba bilang handog sa pamamagitan ng apoy. Ang mabangong samyo ng handog na ito ay makalulugod sa akin.

18. Sa inyo ang karne nito, gaya ng dibdib at ng kanang paa ng handog na itinataas ninyo.

19. Ibinibigay ko sa inyo ang lahat ng mga handog na itinataas ng mga Israelita sa akin. Para ito sa inyo at sa inyong mga angkan bilang inyong bahagi magpakailanman. Kasunduan ko ito sa iyo at sa iyong angkan na hindi magbabago magpakailanman.”

20. Sinabi pa ng Panginoon kay Aaron, “Kayong mga pari ay walang mamanahing lupa sa Israel, dahil ako mismo ang magbibigay ng inyong mga pangangailangan.

21. “Kung tungkol sa mga Levita, babayaran ko sila sa kanilang serbisyo sa Tolda. Ibibigay ko sa kanila ang lahat ng ikapu na ibinibigay ng mga Israelita bilang kanilang bahagi.

22. Mula ngayon, wala nang iba pang Israelita na lalapit sa Toldang Tipanan maliban sa mga pari at sa mga Levita, dahil kung lalapit sila, mananagot sila sa kanilang mga kasalanan, at mamamatay.

23. Ang mga Levita ang responsable sa mga gawain sa Toldang Tipanan, at mananagot sila sa kanilang magagawang kasalanan laban dito. Ang mga tuntuning ito ay dapat tuparin hanggang sa susunod pang mga henerasyon. Walang mamanahing lupa ang mga Levita sa Israel.

24. Sa halip, ibibigay ko sa kanila bilang kanilang bahagi ang mga ikapu na ibinibigay ng mga Israelita bilang handog nila sa akin. Iyan ang dahilan kung bakit sinasabi ko na ang mga Levita ay walang mamanahing lupa sa Israel.”

25. Inutusan ng Panginoon si Moises

26. na sabihin niya ito sa mga Levita: “Kung matanggap na ninyo mula sa mga Israelita ang ikapu na ibibigay ko sa inyo bilang inyong bahagi, kailangang magbigay din kayo ng inyong ikapu galing sa ikapu nila, bilang handog sa akin.

27. Ituturing ko ito bilang inyong handog mula sa mga ani, na parang naghandog kayo ng trigo mula sa giikan o alak mula sa pisaan ng ubas.

28. Sa pamamagitan nito, makapagbibigay din kayo ng handog sa akin galing sa lahat ng ikapu na inyong natanggap mula sa aking mga Israelita. At sa aking bahagi na iyon, ang ikapu nito ay ibigay ninyo sa paring si Aaron.

Bilang 18