1. Sinabi ng Panginoon kay Aaron, “Ikaw at ang mga anak mong lalaki na mula sa lahi ni Levi ang mananagot sa kasalanang ginawa ninyo sa inyong paglilingkod sa Toldang Pinagtipunan. Pero ikaw lang at ang mga anak mo ang mananagot sa kasalanan na inyong magagawa na may kinalaman sa inyong pagkapari.
2. Kung maglilingkod ka at ang mga anak mo sa Tolda ng Kahon ng Kasunduan, patulungin nʼyo ang mga kamag-anak nʼyong kapwa Levita.
3. Magtatrabaho sila sa ilalim ng iyong pamamahala at gagawin nila ang lahat ng mga gawain sa Tolda, pero hindi sila dapat humawak sa mga banal na kagamitan ng Tolda o sa altar, dahil kung gagawin nila ito mamamatay sila pati kayo.
4. Tutulong sila sa iyo, at responsibilidad nila ang pag-aasikaso ng Toldang Tipanan at ang paggawa ng lahat ng gawain dito. Dapat walang sinumang tutulong sa iyo at sa iyong mga anak maliban sa lahi ni Levi.
5. “Ikaw ang mamamahala sa pag-aasikaso ng Banal na Lugar at ng altar, para hindi ako muling magalit sa mga Israelita.
6. Ako ang pumili ng kapwa mo Levita mula sa mga Israelita, para maging katulong mo. Itinalaga sila sa akin sa paglilingkod sa Toldang Tipanan.
7. Pero ikaw lang at ang iyong mga anak ang makapaglilingkod bilang mga pari, dahil kayo lang ang makakagawa ng mga gawain na may kinalaman sa altar at sa Pinakabanal na Lugar. Regalo ko sa inyo ang inyong pagkapari. Papatayin ang sinumang gagawa nito na hindi pari.”
8. Sinabi ng Panginoon kay Aaron, “Ako ang pumili sa iyo na mamahala sa banal na mga handog na inihahandog sa akin ng mga Israelita. Ibinibigay ko ito sa iyo at sa iyong mga anak bilang inyong bahagi magpakailanman.
9. May bahagi kayo sa pinakabanal na mga handog na ito na hindi sinusunog, na inihandog ng mga tao sa akin bilang pinakabanal na mga handog. Kasama ng mga handog na ito ang handog bilang pagpaparangal sa akin, handog sa paglilinis, at handog na pambayad ng kasalanan. Ito ang mga bahagi mo at ng iyong mga anak.
10. Kainin ninyo ito bilang isang pinakabanal na handog. Kailangang mga lalaki lang ang kakain nito at ituring ninyo itong banal.
11. Ang iba pang mga handog ng mga Israelita na itinataas sa altar ay para rin sa inyo. Ibinibigay ko ito sa iyo at sa iyong mga angkan, bilang inyong bahagi magpakailanman. Makakakain nito ang sinuman sa iyong pamilya na itinuturing na malinis.
12. Ibinibigay ko rin sa inyo ang mabubuting produkto na inihahandog ng mga Israelita mula sa una nilang ani: langis ng olibo, bagong katas ng ubas at trigo.
13. Magiging inyong lahat ang mga produkto na kanilang inihahandog mula sa unang ani ng kanilang lupa. Makakakain nito ang sinuman sa iyong pamilya na itinuturing na malinis.
14. “Ang lahat ng bagay sa Israel na ibinigay sa akin nang buo ay magiging inyo.