32. at nilamon sila at ang kanilang pamilya ng lupa, kasama ang lahat ng tagasunod ni Kora at ang lahat ng kanilang ari-arian.
33. Buhay silang lahat na nilamon ng lupa pati ang kanilang mga ari-arian. Sumara ang lupa at nawala sila sa kapulungan.
34. Ang lahat ng mga Israelita ay nagsilayo nang marinig nila ang kanilang pagsigaw, dahil iniisip nila na baka lamunin din sila ng lupa.
35. Pagkatapos, nagpadala ang Panginoon ng apoy, at nilamon nito ang 250 tagasunod ni Kora na naghahandog ng insenso.
36. Sinabi ng Panginoon kay Moises,
37. “Sabihin mo sa paring si Eleazar na anak ni Aaron, na kunin niya ang mga lalagyan ng insenso sa mga bangkay na nangasunog, dahil banal ang mga lalagyan. Sabihan mo rin sila na ikalat nila sa malayo ang mga baga
38. ng mga lalagyang ito na galing sa mga taong nangamatay dahil sa kanilang mga kasalanan. Ipamartilyo ang mga ito hanggang sa mapitpit, at itakip sa altar dahil inihandog ito sa Panginoon at naging banal ito. Ang takip na ito sa altar ay magiging isang babala para sa mga Israelita.”
39-40. Kaya ayon sa iniutos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises, ipinakuha ng paring si Eleazar ang mga tansong lalagyan ng insenso na dinala ng mga taong nangasunog at minartilyo niya ito upang itakip sa altar. Isa itong babala para sa mga Israelita na walang sinumang makakalapit sa altar para magsunog ng insenso sa Panginoon maliban lang sa mga angkan ni Aaron upang hindi mangyari sa kanya ang nangyari kay Kora at sa mga tagasunod niya.
41. Pero nang sumunod na araw, nagreklamo na naman ang buong mamamayang Israelita kina Moises at Aaron. Sinabi nila, “Pinatay ninyo ang mga mamamayan ng Panginoon.”
42. Habang nagkakaisa silang nagrereklamo kina Moises at Aaron, lumingon sila sa Toldang Tipanan at nakita nila na biglang bumalot ang ulap sa Tolda at ipinakita ng Panginoon ang kanyang makapangyarihang presensya.