17. Ang 250 na mga tagasunod mo ay pagdalhin mo ng tig-iisang lalagyan ng insenso. Palagyan mo ito ng insenso at ihandog sa Panginoon. Kayo ni Aaron ay magdadala rin ng lalagyan ng insenso.”
18. Kaya kumuha ang bawat isa ng kanya-kanyang lalagyan ng insenso at nilagyan ng baga at insenso, at tumayo sila kasama nina Moises at Aaron sa pintuan ng Toldang Tipanan.
19. Nang magtipon na si Kora at ang mga tagasunod niya sa harapan ni Moises at ni Aaron, doon sa pintuan ng Toldang Tipanan, nagpakita ang makapangyarihang presensya ng Panginoon sa buong kapulungan.
20. Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron,
21. “Lumayo kayo sa mga taong ito para mapatay ko sila agad.”
22. Pero nagpatirapa sina Moises at Aaron at sinabi, “O Dios na pinanggagalingan ng buhay ng lahat ng tao, magagalit po ba kayo sa buong kapulungan kahit isang tao lang ang nagkasala?”
23. Sinabi ng Panginoon kay Moises,
24. “Sabihin mo sa mga mamamayan na lumayo sila sa Tolda nina Kora, Datan at ni Abiram.”
25. Pinuntahan ni Moises si Datan at si Abiram, at sumunod sa kanya ang mga tagapamahala ng Israel.
26. Pagkatapos, sinabi niya sa mga mamamayan, “Lumayo kayo sa mga tolda ng masasamang taong ito! Huwag kayong hahawak ng kahit anong pag-aari nila, dahil kapag ginawa ninyo ito parurusahan kayong kasama nila dahil sa lahat ng kasalanan nila.”
27. Kaya lumayo ang mga tao sa mga tolda nina Kora, Datan at Abiram. Lumabas sina Datan at Abiram, at tumayo sa pintuan ng kanilang mga tolda kasama ng kanilang mga asawaʼt anak.
28. Sinabi ni Moises sa mga tao, “Sa pamamagitan nito malalaman ninyo na ang Panginoon ang nagsugo sa akin para sa paggawa ng mga bagay na ito, at hindi ko ito sariling kagustuhan.
29. Kung mamatay ang mga taong ito sa natural na kamatayan, hindi ako isinugo ng Panginoon.
30. Pero kung gagawa ang Panginoon ng kamangha-manghang bagay, at mabiyak ang lupa, at lamunin silang buhay, kasama ng lahat nilang mga ari-arian papunta sa mundo ng mga patay, malalaman ninyo na ang mga taong ito ang nagtakwil sa Panginoon.”
31. Pagkatapos magsalita ni Moises, nabiyak ang lupa na kinatatayuan nina Datan at Abiram,
32. at nilamon sila at ang kanilang pamilya ng lupa, kasama ang lahat ng tagasunod ni Kora at ang lahat ng kanilang ari-arian.
33. Buhay silang lahat na nilamon ng lupa pati ang kanilang mga ari-arian. Sumara ang lupa at nawala sila sa kapulungan.
34. Ang lahat ng mga Israelita ay nagsilayo nang marinig nila ang kanilang pagsigaw, dahil iniisip nila na baka lamunin din sila ng lupa.
35. Pagkatapos, nagpadala ang Panginoon ng apoy, at nilamon nito ang 250 tagasunod ni Kora na naghahandog ng insenso.