Bilang 15:7-21 Ang Salita ng Dios (ASND)

7. At sasamahan pa ito ng handog na inumin na isaʼt kalahating litrong katas ng ubas. Ang mabangong samyo ng handog na itoʼy makalulugod sa akin.

8. “Ang maghahandog ng batang toro bilang handog na sinusunog o handog sa pagtupad ng isang panata, o handog para sa mabuting relasyon,

9. ay kailangang maghandog din ng handog para sa pagpaparangal sa akin ng mga anim na kilo ng magandang klaseng harina na hinaluan ng dalawang litrong langis.

10. At sasamahan pa ito ng mga handog na inumin na dalawang litrong katas ng ubas. Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy ay makalulugod sa akin.

11. Ito ang inyong gagawin kapag maghahandog kayo ng isang toro o matandang lalaking tupa o kambing.

12. Gawin ninyo ito sa bawat hayop na inyong ihahandog.

13. “Ang lahat ng katutubong Israelita na mag-aalay ng mga handog sa pamamagitan ng apoy bilang mabangong handog na makalulugod sa akin ay dapat sumunod sa mga tuntuning ito.

14. Kung sa susunod pang mga henerasyon ay may mga dayuhang maninirahang kasama ninyo, panandalian man o permanente, at gustong mag-alay ng mga handog sa pamamagitan ng apoy bilang mabangong handog na makalulugod sa akin, dapat ay susundin din nila ang mga nabanggit na tuntunin.

15. Kayong mga Israelita at ang mga dayuhan na naninirahang kasama ninyo ay pareho lang sa harapan ko at parehong kautusan lang ang tutuparin ninyo. Dapat ninyong sundin ang mga tuntuning ito at ng inyong lahi hanggang sa susunod pang mga henerasyon.

16. Pareho lang ang mga utos at mga tuntunin ang susundin ninyo at ng mga dayuhan na naninirahang kasama ninyo.”

17. Inutusan pa ng Panginoon si Moises

18. na sabihin sa mga Israelita: “Kapag dumating na kayo sa lupain na ibibigay sa inyo,

19. makakakain kayo ng bunga ng lupaing ito. Pero dapat ibukod ang iba nito para ihandog sa akin.

20. Maghandog kayo ng tinapay galing sa harina na una ninyong giniling, katulad ng inyong ginawa sa unang ani ng inyong trigo mula sa giikan.

21. Ang handog na ito mula sa harina na una ninyong giniling ay ihahandog ninyo sa akin hanggang sa susunod pang mga henerasyon.

Bilang 15