22. “Kung ang ilan sa inyo ay nasuway ang isa sa mga utos na ibinigay ko kay Moises nang hindi sinasadya,
23. (ang mga utos na ibinigay ko sa inyo sa pamamagitan ni Moises, dapat nʼyong sundin mula sa araw na ibinigay ko ito hanggang sa susunod pang mga henerasyon)
24. kung hindi nga sinasadya ang paggawa nito, at hindi rin alam ng buong kapulungan na pagsuway pala ito, ang buong kapulungan ang maghahandog ng isang batang toro bilang handog na sinusunog sa panahon na nalaman ninyo ang inyong pagsuway. Ang mabangong samyo ng handog na itoʼy makalulugod sa Panginoon. Isama rin ninyo ang mga kinakailangang mga handog para sa pagpaparangal sa akin at mga handog na inumin at isang lalaking kambing bilang handog sa paglilinis.
25. Ihahandog ito ng pari para matubos ang buong mamamayan ng Israel sa kanilang kasalanan. Patatawarin ko sila dahil hindi naman ito sinasadya, at maghahandog din sila sa akin ng mga handog sa pamamagitan ng apoy at ng handog sa paglilinis.
26. Patatawarin ko ang buong mamamayan ng Israel, pati ang mga dayuhan na naninirahan kasama nila, dahil sangkot ang lahat sa kasalanang iyon na hindi sinasadya.
27. “Pero kung isang tao lang ang nagkasala nang hindi sinasadya, magdadala siya ng isang babaeng kambing na isang taong gulang, bilang handog sa paglilinis.
28. Ihahandog ito ng pari sa aking presensya para matubos ang taong iyon sa kanyang kasalanang hindi sinasadya, at pagkatapos, patatawarin ko siya.
29. Iisa lang ang tuntunin para sa lahat ng nagkasala nang hindi sinasadya, katutubong Israelita man o dayuhan na naninirahan kasama ninyo.
30. “Pero, ang sinumang nagkasala nang sinadya, katutubo na Israelita man o hindi, na lumapastangan sa Panginoon, kailangang huwag na ninyong ituring na kababayan.
31. Dahil sa itinakwil niya ang salita ng Panginoon at sinuway niya ang utos nito. Huwag na siyang ituturing na kabilang sa inyo. Mananagot siya sa kanyang mga kasalanan.”
32. Habang naroon sa ilang ang mga Israelita, may nakita silang tao na nangangahoy sa Araw ng Pamamahinga.