30. ang makakapasok sa lupaing ipinangako ko na ibibigay sa inyo na inyong titirhan, maliban lang kay Caleb na anak ni Jefune at kay Josue na anak ni Nun.
31. Tungkol naman sa inyong mga anak na sinabi ninyong bibihagin, dadalhin ko sila sa lupain na inyong itinakwil at magiging kanila ito.
32. Ngunit mamamatay kayo sa disyerto.
33. Ang inyong mga anak ay magiging tulad ng mga tagapagbantay ng tupa na palibot-libot sa disyerto sa loob ng 40 taon. Sa pamamagitan nito, magdurusa sila dahil sa inyong pagtataksil sa akin hanggang sa mamatay kayong lahat.
34. Dahil ang mga espiya sa lupain ay tumira roon ng 40 araw, magdurusa rin kayo ng 40 taon dahil sa inyong kasalanan, para malaman ninyo kung paano ako magalit sa mga kumakalaban sa akin.
35. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito at siguradong gagawin ko ang mga bagay na ito sa masasamang mamamayang ito na nagkaisang kumalaban sa akin. Mamamatay silang lahat sa disyerto.”
36-37. Ang mga taong inutusan ni Moises para sa pag-espiya, na nagbalita ng masama tungkol sa lupain na siyang naging dahilan ng pagrereklamo ng mga Israelita ay namatay sa karamdaman sa presensya ng Panginoon.
38. Sa 12 espiya, si Josue na anak ni Nun at si Caleb na anak ni Jefune lang ang hindi namatay.
39. Nang sinabi ito ni Moises sa lahat ng mga Israelita, nagluksa sila.
40. At kinabukasan, maaga silang bumangon para umakyat sa kabundukan ng Canaan. Sinabi nila, “Napag-isip-isip namin na nagkasala kami, at ngayoʼy handa na kami sa pagpunta sa lugar na ipinangako ng Panginoon.”
41. Pero sinabi ni Moises, “Bakit sinuway ninyo ang utos ng Panginoon na magbalik kayo sa disyerto? Hindi kayo magtatagumpay!
42. Huwag kayong lalakad, dahil hindi kayo sasamahan ng Panginoon, at matatalo lang kayo ng inyong mga kaaway.
43. Sa oras na makipaglaban sa inyo ang mga Cananeo at mga Amalekita, mamamatay kayo; hindi sasama ang Panginoon dahil siyaʼy itinakwil ninyo.”
44. Pero naglakbay sila sa kabundukan ng Canaan kahit hindi sumama sa kanila si Moises at ang Kahon ng Kasunduan.
45. Pagkatapos, sinalakay sila ng mga Amalekita at ng mga Cananeo na naninirahan doon sa kabundukan, at natalo sila, at hinabol pa sila hanggang sa Horma.