Bilang 11:25-32 Ang Salita ng Dios (ASND)

25. Pagkatapos, bumaba ang Panginoon sa pamamagitan ng ulap at nakipag-usap kay Moises. Kinuha niya ang ibang kapangyarihan ni Moises at ibinigay sa 70 tagapamahala. At nang matanggap nila ito, nagsalita sila kagaya ng mga propeta pero hindi na ito nangyari pang muli.

26. Ang dalawa sa 70 tagapamahala na sina Eldad at Medad ay nagpaiwan sa kampo at hindi pumunta sa Tolda. Pero natanggap din nila ang kapangyarihan at nagsalita rin sila na kagaya ng mga propeta.

27. May isang binata na nagtatakbo papunta kay Moises at sinabi na nagsasalita sina Eldad at Medad doon sa kampo na kagaya ng mga propeta.

28. Sinabi ni Josue na anak ni Nun, na naging katulong ni Moises mula noong bata pa ito, “Amo, patigilin po ninyo sila.”

29. Pero sumagot si Moises, “Nababahala ka ba kung ano ang magiging resulta nito sa aking pagkapinuno? Kung sa akin lang, gusto kong bigyan ng Panginoon ng kapangyarihan ang lahat ng mamamayan at makapagsalita sila kagaya ng mga propeta.”

30. Pagkatapos, bumalik sa kampo si Moises at ang mga tagapamahala ng Israel.

31. Ngayon, nagpadala ang Panginoon ng hangin na nagdala ng mga pugo mula sa dagat. Lumipad-lipad sila sa palibot ng kampo at ibinagsak sa lupa; mga tatlong talampakan ang taas ng bunton nito at mga ilang kilometro ang lawak ng ibinunton na mga pugo.

32. Kaya nang araw na iyon at nang sumunod pang araw, nanghuli ang mga tao ng mga pugo araw at gabi. Walang nakakuha nang bababa pa sa 30 sako at ibinilad nila ito sa palibot ng kampo.

Bilang 11