19. Hindi lang isang araw, o dalawa, o lima, o 10, o 20 araw ang pagkain ninyo nito,
20. kundi isang buwan, hanggang sa magsawa kayo at hindi na kayo makakain nito. Dahil itinakwil ninyo ako na sumasama sa inyo, at nagreklamo kayo sa akin na sanaʼy hindi na lang kayo umalis sa Egipto.’ ”
21. Pero sinabi ni Moises, “600,000 lahat ang tao na kasama ko, at ngayoʼy sinasabi po ninyo na bibigyan ninyo sila ng karne na kanilang kakainin sa loob ng isang buwan?
22. Kahit po katayin pa namin ang lahat ng tupa at baka o kahit hulihin pa namin ang mga isda sa dagat, hindi po ito magkakasya sa kanila.”
23. Sinabi ng Panginoon kay Moises, “May limitasyon ba ang aking kapangyarihan? Makikita mo ngayon kung mangyayari ang sinabi ko o hindi.”
24. Kaya lumakad si Moises at sinabi sa mga tao ang sinabi ng Panginoon. Tinipon niya ang 70 tagapamahala at pinatayo sa palibot ng Tolda.
25. Pagkatapos, bumaba ang Panginoon sa pamamagitan ng ulap at nakipag-usap kay Moises. Kinuha niya ang ibang kapangyarihan ni Moises at ibinigay sa 70 tagapamahala. At nang matanggap nila ito, nagsalita sila kagaya ng mga propeta pero hindi na ito nangyari pang muli.
26. Ang dalawa sa 70 tagapamahala na sina Eldad at Medad ay nagpaiwan sa kampo at hindi pumunta sa Tolda. Pero natanggap din nila ang kapangyarihan at nagsalita rin sila na kagaya ng mga propeta.
27. May isang binata na nagtatakbo papunta kay Moises at sinabi na nagsasalita sina Eldad at Medad doon sa kampo na kagaya ng mga propeta.
28. Sinabi ni Josue na anak ni Nun, na naging katulong ni Moises mula noong bata pa ito, “Amo, patigilin po ninyo sila.”
29. Pero sumagot si Moises, “Nababahala ka ba kung ano ang magiging resulta nito sa aking pagkapinuno? Kung sa akin lang, gusto kong bigyan ng Panginoon ng kapangyarihan ang lahat ng mamamayan at makapagsalita sila kagaya ng mga propeta.”
30. Pagkatapos, bumalik sa kampo si Moises at ang mga tagapamahala ng Israel.
31. Ngayon, nagpadala ang Panginoon ng hangin na nagdala ng mga pugo mula sa dagat. Lumipad-lipad sila sa palibot ng kampo at ibinagsak sa lupa; mga tatlong talampakan ang taas ng bunton nito at mga ilang kilometro ang lawak ng ibinunton na mga pugo.