Bilang 11:14-25 Ang Salita ng Dios (ASND)

14. Hindi ko po sila kayang alagaang lahat nang mag-isa. Napakahirap nito para sa akin.

15. Kung ganito lang po ang pagtrato ninyo sa akin, patayin na lang ninyo ako ngayon. Kung nalulugod kayo sa akin, huwag ninyo akong pabayaang magdusa.”

16. Kaya sinabi ng Panginoon kay Moises, “Tipunin mo ang 70 sa mga tagapamahala ng Israel na kilalang-kilala mo na mga pinuno ng mga mamamayan, at papuntahin sila sa Toldang Tipanan at patayuin sila roon kasama mo.

17. Bababa ako at makikipag-usap sa iyo roon, at ibibigay ko sa kanila ang ibang kapangyarihan na ibinigay ko sa iyo upang makatulong sila sa pamamahala ng mga tao para hindi lang ikaw mag-isa ang namamahala.

18. “Pagkatapos, sabihin mo sa mga tao na linisin nila ang kanilang sarili dahil bukas, may makakain na silang karne. Sabihin mo ito sa kanila: ‘Narinig ko ang inyong reklamo na gusto ninyong kumain ng karne. At sinasabi ninyo na mas mabuti pa ang inyong kalagayan sa Egipto. Kaya bukas, bibigyan ko kayo ng karne para makakain kayo.

19. Hindi lang isang araw, o dalawa, o lima, o 10, o 20 araw ang pagkain ninyo nito,

20. kundi isang buwan, hanggang sa magsawa kayo at hindi na kayo makakain nito. Dahil itinakwil ninyo ako na sumasama sa inyo, at nagreklamo kayo sa akin na sanaʼy hindi na lang kayo umalis sa Egipto.’ ”

21. Pero sinabi ni Moises, “600,000 lahat ang tao na kasama ko, at ngayoʼy sinasabi po ninyo na bibigyan ninyo sila ng karne na kanilang kakainin sa loob ng isang buwan?

22. Kahit po katayin pa namin ang lahat ng tupa at baka o kahit hulihin pa namin ang mga isda sa dagat, hindi po ito magkakasya sa kanila.”

23. Sinabi ng Panginoon kay Moises, “May limitasyon ba ang aking kapangyarihan? Makikita mo ngayon kung mangyayari ang sinabi ko o hindi.”

24. Kaya lumakad si Moises at sinabi sa mga tao ang sinabi ng Panginoon. Tinipon niya ang 70 tagapamahala at pinatayo sa palibot ng Tolda.

25. Pagkatapos, bumaba ang Panginoon sa pamamagitan ng ulap at nakipag-usap kay Moises. Kinuha niya ang ibang kapangyarihan ni Moises at ibinigay sa 70 tagapamahala. At nang matanggap nila ito, nagsalita sila kagaya ng mga propeta pero hindi na ito nangyari pang muli.

Bilang 11