Bilang 10:7-21 Ang Salita ng Dios (ASND)

7. Pero iba ang pagpapatunog ng trumpeta kapag titipunin sila.

8. “Ang mga angkan ni Aaron na mga pari ang magpapatunog ng mga trumpeta. Ang mga tuntuning ito ay dapat ninyong tuparin at ng susunod pang mga henerasyon.

9. “Kapag naroon na kayo sa inyong lupain, at makikipaglaban na sa inyong mga kaaway na umaapi sa inyo, patunugin ninyo ang trumpeta, at ako, ang Panginoon na inyong Dios, ay aalalahanin kayo at ililigtas sa inyong mga kaaway.

10. At sa panahon ng inyong pagsasaya – sa inyong pagdiriwang ng pista, pati na ng Pista ng Pagsisimula ng Buwan  – patutunugin din ninyo ang mga trumpeta kung mag-aalay kayo ng mga handog na sinusunog at handog para sa mabuting relasyon. Ang mga trumpetang ito ang magpapaalala sa akin na inyong Dios ng aking kasunduan sa inyo. Ako ang Panginoon na inyong Dios.”

11. Nang ika-20 araw ng ikalawang buwan, nang ikalawang taon mula nang inilabas ang mga Israelita sa Egipto, pumaitaas ang ulap mula sa Toldang Sambahan kung saan nakalagay ang Kasunduan.

12. Pagkatapos, umalis ang mga Israelita sa disyerto ng Sinai at nagpatuloy sa paglalakbay hanggang sa tumigil ang ulap sa disyerto ng Paran.

13. Ito ang unang pagkakataon na naglakbay sila ayon sa utos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.

14. Ang unang grupo na naglakbay dala ang kanilang bandila ay ang grupong pinangungunahan ng lahi ni Juda. Ang pinuno nila ay si Nashon na anak ni Aminadab.

15. Ang lahi ni Isacar ay pinamumunuan ni Netanel na anak ni Zuar,

16. at ang lahi ni Zebulun ay pinamumunuan ni Eliab na anak ni Helon.

17. Pagkatapos kalasin ang Toldang Sambahan, dinala ito ng mga angkan ni Gershon at ng mga angkan ni Merari, at sumunod sila sa paglalakad.

18. Ang sumunod na lumakad dala ang kanilang bandila ay ang grupong pinangungunahan ng lahi ni Reuben. Ang kanilang pinuno ay si Elizur na anak ni Sedeur.

19. Ang lahi ni Simeon ay pinangungunahan ni Selumiel na anak ni Zurishadai,

20. at ang lahi ni Gad ay pinamumunuan ni Eliasaf na anak ni Deuel.

21. At ang sumunod ay ang mga angkan ni Kohat na nagdadala ng mga banal na kagamitan ng Tolda. Kailangang naiayos na ang Tolda bago sila dumating sa susunod na lugar na kanilang pagkakampuhan.

Bilang 10