Bilang 10:1-10 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. Sinabi ng Panginoon kay Moises,

2. “Magpagawa ka ng dalawang trumpetang pilak, at gamitin mo ito upang tipunin ang mga tao at ihanda sila sa paglalakbay.

3. Kapag pinatunog na nang sabay ang dalawang trumpeta, magtitipon ang buong mamamayan sa pintuan ng Toldang Tipanan.

4. Kapag isa lang ang pinatunog, ang mga pinuno lang ng bawat lahi ang magtitipon sa iyong harapan.

5. Kapag pinatunog ang trumpeta para ihanda ang mga tao sa paglalakbay, ang mga lahi sa silangang bahagi ng Tolda ang mauunang lumakad.

6. Kapag pinatunog ang trumpeta ng dalawang beses, ang lahi naman sa gawing timog na bahagi ng Tolda ang mauunang lumakad. Ang pagpapatunog na ito ang magiging hudyat ng kanilang paglakad.

7. Pero iba ang pagpapatunog ng trumpeta kapag titipunin sila.

8. “Ang mga angkan ni Aaron na mga pari ang magpapatunog ng mga trumpeta. Ang mga tuntuning ito ay dapat ninyong tuparin at ng susunod pang mga henerasyon.

9. “Kapag naroon na kayo sa inyong lupain, at makikipaglaban na sa inyong mga kaaway na umaapi sa inyo, patunugin ninyo ang trumpeta, at ako, ang Panginoon na inyong Dios, ay aalalahanin kayo at ililigtas sa inyong mga kaaway.

10. At sa panahon ng inyong pagsasaya – sa inyong pagdiriwang ng pista, pati na ng Pista ng Pagsisimula ng Buwan  – patutunugin din ninyo ang mga trumpeta kung mag-aalay kayo ng mga handog na sinusunog at handog para sa mabuting relasyon. Ang mga trumpetang ito ang magpapaalala sa akin na inyong Dios ng aking kasunduan sa inyo. Ako ang Panginoon na inyong Dios.”

Bilang 10