6. Bago magbukang-liwayway at bago mawala ang dilim, mananatili ako sa dibdib mong tila mga bundok na pinabango ng mira at insenso.
7. O irog ko, ang lahat sa iyoʼy maganda. Walang maipipintas sa iyo.
8. O aking magiging kabiyak, sumama ka sa akin mula sa Lebanon. Bumaba tayo mula sa tuktok ng mga bundok ng Amana, Senir at Hermon, na tinitirhan ng mga leopardo at leon.
9. O irog ko na aking magiging kabiyak, sa isang sulyap mo lamang at sa pang-akit ng iyong kwintas na napapalamutian ng iisang bato ay nabihag mo na ang aking puso.
10. Ang pag-ibig mo aking irog ay walang kasingtamis. O aking magiging kabiyak, higit pa ito kaysa sa masarap na inumin. Ang samyo ng iyong pabangoʼy mas mabango kaysa sa lahat ng pabango.