Amos 5:2-7 Ang Salita ng Dios (ASND)

2. Ang Israel na katulad ng isang babaeng birhen ay nabuwal at hindi na muling makabangon.Pinabayaan siyang nakahandusay sa sarili niyang lupain at walang tumutulong para ibangon siya.

3. Ito ang sinabi ng Panginoong Dios, “Sa 1,000 sundalo na ipapadala ng isang lungsod sa Israel, 100 na lang ang matitira. At sa 100 sundalo na kanyang ipapadala, 10 na lang ang matitira.

4. Kaya kayong mga Israelita, dumulog kayo sa akin at mabubuhay kayo.

5. Huwag na kayong pumunta sa Betel, sa Gilgal, o sa Beersheba, upang sumamba roon. Sapagkat siguradong bibihagin ang mga mamamayan ng Gilgal at mawawala ang Betel.

6. Dumulog kayo sa akin, kayong mga lahi ni Jose, at mabubuhay kayo. Dahil kung hindi, lulusubin ko kayo na parang apoy. Kaya malilipol ang Betel at walang makakapigil nito.

7. Nakakaawa kayo! Ang katarungan ay ginagawa ninyong marumi at pinawawalang-halaga ninyo ang katuwiran!”

Amos 5