Amos 5:14-23 Ang Salita ng Dios (ASND)

14. Gawin na lamang ninyo ang mabuti at huwag ang masama para mabuhay kayo, at sasamahan kayo ng Panginoong Dios na Makapangyarihan, gaya nang inyong sinasabi.

15. Kapootan ninyo ang masama at gawin ang mabuti, at pairalin ninyo ang hustisya sa inyong mga hukuman. Baka sakaling maawa ang Panginoong Dios na Makapangyarihan sa inyong mga natitira sa mga lahi ni Jose.

16. Kaya ito ang sinasabi ng Panginoong Dios na Makapangyarihan: “Darating ang araw na maririnig ang mga iyakan at panaghoy sa mga plasa at mga lansangan. Ipapatawag ang mga magsasaka para umiyak sa mga patay na kasama ng mga taong inupahan para umiyak.

17. May mga iyakan din sa inyong mga taniman ng ubas. Mangyayari ito dahil parurusahan ko kayo. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

18. Nakakaawa kayong naghihintay ng araw ng Panginoon. Huwag ninyong isipin na araw iyon ng inyong kaligtasan. Sapagkat iyon ang araw na parurusahan kayo.

19. Para kayong taong nag-aakalang ligtas na siya dahil nakatakas siya sa leon, pero nasalubong naman niya ang oso. O di kayaʼy nag-aakalang ligtas na siya dahil nasa loob na siya ng kanyang bahay, pero nang isinandal niya ang kanyang kamay sa dingding, tinuklaw ito ng ahas.

20. Tiyak na darating ang araw ng Panginoon at itoʼy magdudulot ng kaparusahan at hindi kaligtasan; katulad ito ng dilim na walang liwanag kahit kaunti man lang.

21. Sinabi ng Panginoon sa mga Israelita, “Napopoot ako sa inyong mga pista; hindi ako nalulugod sa inyong ginagawang pagtitipon.

22. Kaya kahit dalhan pa ninyo ako ng sari-saring handog, kahit pa ang pinakamabuting handog ay hindi ko tatanggapin.

23. Tigilan na ninyo ang maingay ninyong awitan. Ayokong makinig sa tugtog ng inyong mga alpa.

Amos 5