Amos 5:1-13 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. Mga Israelita, pakinggan nʼyo itong panaghoy tungkol sa inyo:

2. Ang Israel na katulad ng isang babaeng birhen ay nabuwal at hindi na muling makabangon.Pinabayaan siyang nakahandusay sa sarili niyang lupain at walang tumutulong para ibangon siya.

3. Ito ang sinabi ng Panginoong Dios, “Sa 1,000 sundalo na ipapadala ng isang lungsod sa Israel, 100 na lang ang matitira. At sa 100 sundalo na kanyang ipapadala, 10 na lang ang matitira.

4. Kaya kayong mga Israelita, dumulog kayo sa akin at mabubuhay kayo.

5. Huwag na kayong pumunta sa Betel, sa Gilgal, o sa Beersheba, upang sumamba roon. Sapagkat siguradong bibihagin ang mga mamamayan ng Gilgal at mawawala ang Betel.

6. Dumulog kayo sa akin, kayong mga lahi ni Jose, at mabubuhay kayo. Dahil kung hindi, lulusubin ko kayo na parang apoy. Kaya malilipol ang Betel at walang makakapigil nito.

7. Nakakaawa kayo! Ang katarungan ay ginagawa ninyong marumi at pinawawalang-halaga ninyo ang katuwiran!”

8. Ang Dios ang lumikha ng grupo ng mga bituing tinatawag na Pleyades at Orion. Siya ang nagpapalipas ng liwanag sa dilim, at ng araw sa gabi. Tinitipon niya ang tubig mula sa karagatan para pumunta sa mga ulap upang muling ibuhos sa lupa sa pamamagitan ng ulan. Panginoon ang kanyang pangalan.

9. Agad niyang winawasak ang matitibay na napapaderang bayan, at dinudurog ang napapaderang lungsod.

10. Kayong mga taga-Israel, napopoot kayo sa humahatol nang tama at nagsasabi ng totoo sa hukuman.

11. Inaapi ninyo ang mga mahihirap at pinipilit na magbigay sa inyo ng kanilang ani. Kaya hindi kayo makakatira sa ipinatayo ninyong mansyon, at hindi kayo makakainom ng katas mula sa itinanim ninyong mga ubas.

12. Sapagkat alam ko kung gaano karami at kabigat ang inyong mga kasalanan. Inuusig ninyo ang mga taong walang kasalanan at kinikikilan pa ninyo. Hindi ninyo binibigyan ng hustisya sa hukuman ang mga mahihirap.

13. Dahil naghahari ngayon ang kasamaan, ang marurunong ay tumatahimik na lang.

Amos 5