Amos 2:6-16 Ang Salita ng Dios (ASND)

6. Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa Israel: “Dahil sa patuloy na pagkakasala ng mga taga-Israel, parurusahan ko sila. Sapagkat ipinagbibili nila bilang alipin ang mga taong walang kasalanan dahil lamang sa kanilang utang. Ginagawa rin nila ito sa mga mahihirap kahit na isang pares lang na sandalyas ang utang.

7. Ginigipit nila ang mga mahihirap at hindi binibigyan ng katarungan. Mayroon sa kanila na mag-amang nakikipagtalik sa iisang babae. Dahil dito nilalapastangan nila ang aking banal na pangalan.

8. Natutulog sila sa kanilang sambahan na suot ang damit na isinangla sa kanila ng mga mahihirap. At nag-iinuman sila sa aking templo ng alak na binili galing sa ibinayad ng mga mahihirap na may utang sa kanila.

9. Pero ako, ang ginawa ko para sa kanila na mga taga-Israel, nilipol ko ang mga Amoreo, kahit na kasintaas sila ng punong sedro at kasintibay ng punong ensina. Nilipol ko silang lahat at walang itinirang buhay.

10. Inilabas ko rin sa Egipto ang mga ninuno ng mga taga-Israel at pinatnubayan ko sila sa ilang sa loob ng 40 taon upang makuha nila ang lupain ng mga Amoreo.

11. Pinili ko ang ilan sa mga anak nila na maging propeta at Nazareo. Mga taga-Israel, hindi baʼt totoo itong sinasabi ko?

12. Pero ano ang ginawa ninyo? Pinainom ninyo ng alak ang mga Nazareo at pinagbawalan ninyo ang mga propeta na sabihin ang ipinapasabi ko.

13. Kaya makinig kayo! Pahihirapan ko kayo katulad ng kariton na hindi na halos makausad dahil sa bigat ng karga.

14. Kaya kahit na ang mabilis tumakbo sa inyo ay hindi makakatakas, ang malalakas ay manghihina, at ang mga sundalo ay hindi maililigtas ang kanilang sarili.

15. Kahit na ang mga sundalong namamana sa labanan ay uurong. Ang mga sundalong mabilis tumakbo ay hindi makakatakas, at silang mga nakasakay sa kabayo ay hindi rin makakaligtas.

16. Sa araw na iyon, kahit ang pinakamatapang na sundalo ay tatakas na nakahubad. Ako, ang Panginoon, ang nagsabi nito.”

Amos 2