9. Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa Tyre: “Dahil sa patuloy na pagkakasala ng mga taga-Tyre, parurusahan ko sila. Sapagkat ipinagbili nila ang lahat ng naninirahan sa mga bayan bilang mga alipin sa Edom. Hindi nila sinunod ang kanilang kasunduang pangkapatiran sa mga mamamayang ito.
10. Kaya susunugin ko ang mga pader ng Tyre at ang matitibay na bahagi ng lungsod nito.”
11. Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa Edom: “Dahil sa patuloy na pagkakasala ng mga taga-Edom, parurusahan ko sila. Sapagkat tinugis nila ang kanilang mga kaanak na mga Israelita at walang awang pinatay. Hinding-hindi mawawala ang kanilang galit sa mga Israelita.
12. Kaya susunugin ko ang Teman at ang matitibay na bahagi ng Bozra.”
13. Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa Ammon: “Dahil sa patuloy na pagkakasala ng mga taga-Ammon, parurusahan ko sila. Sapagkat nilaslas nila ang tiyan ng mga buntis sa Gilead nang salakayin nila ito, upang mapalawak ang kanilang lupain.
14. Kaya susunugin ko ang mga pader ng Rabba at ang matitibay na bahagi ng lungsod na ito habang nagsisigawan ang mga kaaway na sumasalakay sa kanila, na parang umuugong na bagyo.
15. At bibihagin ang hari ng Ammon gayon din ang kanyang mga opisyal. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”