14. Ipaalala mo sa kanila ang mga bagay na ito, at pagbilinan mo sila sa presensya ng Dios na iwasan ang walang kwentang pagtatalo. Wala itong mabuting naidudulot kundi kapahamakan sa mga nakikinig.
15. Pagsikapan mong maging karapat-dapat sa Dios, bilang isang manggagawa na walang dapat ikahiya, at tapat na nagtuturo ng katotohanan.
16. Iwasan mo ang makamundo at walang kwentang usap-usapan, dahil lalo lang napapalayo sa Dios ang mga gumagawa nito.
17. Ang mga aral nilaʼy parang kanser na kumakalat sa katawan. Kabilang na sina Hymeneus at Filetus sa mga taong ito.
18. Lumihis sila sa katotohanan dahil itinuturo nilang naganap na ang muling pagkabuhay ng mga patay, at ginugulo tuloy nila ang pananampalataya ng iba.
19. Ganoon pa man, nananatiling matibay ang saligang itinatag ng Dios, at may nakasulat na “Alam ng Panginoon kung sino ang sa kanya,” at “Dapat lumayo sa kasamaan ang bawat taong nagsasabi na siyaʼy sa Panginoon.”