13. Siya ang magpapatayo ng templo para sa karangalan ng aking pangalan, at titiyakin ko na ang kanyang angkan ang maghahari magpakailanman.
14. Kikilalanin niya akong ama at kikilalanin ko siyang anak. Kung magkakasala siya, didisiplinahin ko siya gaya ng pagdidisiplina ng isang ama sa kanyang anak.
15. Pero hindi magbabago ang pagmamahal ko sa kanya hindi gaya ng ginawa ko kay Saul na pinalitan mo bilang hari.
16. Magpapatuloy ang paghahari mo magpakailanman, ganoon din ang paghahari ng iyong angkan.’ ”
17. Isinalaysay ni Natan kay David ang lahat ng ipinahayag ng Dios sa kanya.
18. Pagkatapos, pumasok si David sa tolda kung saan naroon ang Kahon ng Kasunduan. Umupo siya roon sa presensya ng Panginoon, at nanalangin, “O Panginoong Dios, sino po ako at ang pamilya ko at pinagpala nʼyo nang ganito?
19. At ngayon, Panginoong Dios, bukod pa rito, may pangako pa kayo tungkol sa kinabukasan ng angkan ko. Ganito po ba talaga kayo makitungo sa tao?
20. Ano pa po ba ang masasabi ko sa inyo, Panginoong Dios? Sapagkat nakikilala nʼyo kung sino talaga ako na inyong lingkod.