2 Samuel 5:9-25 Ang Salita ng Dios (ASND)

9. Matapos sakupin ni David ang matatag na kampo ng Zion, doon na siya tumira at tinawag niya itong Lungsod ni David. Pinadagdagan niya ito ng pader sa palibot mula sa mababang bahagi ng lungsod.

10. Lalong nagiging makapangyarihan si David dahil tinutulungan siya ng Panginoong Dios na Makapangyarihan.

11. Nagsugo ng mga mensahero si Haring Hiram ng Tyre kay David kasama ng mga karpintero at kantero, at may dala silang mga trosong sedro para maipagpatayo ng palasyo si David.

12. At naunawaan ni David na ang Panginoon ang nagluklok sa kanya bilang hari ng Israel at nagpaunlad ng kaharian niya para sa mga mamamayang Israelita.

13. Nang lumipat siya mula sa Hebron papuntang Jerusalem, marami pa siyang naging asawa; ang iba sa kanilaʼy mga alipin niya, at nadagdagan pa ang mga anak niya.

14. Ito ang mga pangalan ng mga anak niyang lalaki na ipinanganak sa Jerusalem: Shamua, Shobab, Natan, Solomon,

15. Ibhar, Elishua, Nefeg, Jafia,

16. Elishama, Eliada at Elifelet.

17. Nang mabalitaan ng mga Filisteo na si David ang piniling hari ng Israel, tinipon nila ang lahat ng sundalo nila para hulihin siya. Pero nabalitaan ito ni David, kaya pumunta siya sa isang matatag na kuta.

18. Dumating ang mga Filisteo at nagkampo sa Lambak ng Refaim.

19. Kaya nagtanong si David sa Panginoon, “Sasalakayin po ba namin ang mga Filisteo? Ipapatalo nʼyo po ba sila sa amin?” Sumagot ang Panginoon, “Oo, lumakad kayo, dahil siguradong ipapatalo ko sila sa inyo.”

20. Kaya nagpunta sina David sa Baal Perazim, at doon natalo nila ang mga Filisteo. Sinabi ni David, “Nilipol ng Panginoon ang mga kalaban ko na parang dinaanan ng rumaragasang baha sa harapan ko.” Kaya tinawag na Baal Perazim ang lugar na iyon.

21. Iniwanan doon ng mga Filisteo ang mga dios-diosan nila, at dinala ito ni David at ng mga tauhan niya.

22. Bumalik ang mga Filisteo at muling nagkampo sa Lambak ng Refaim.

23. Kaya muling nagtanong si David sa Panginoon, at sumagot ang Panginoon, “Huwag nʼyo agad silang salakayin kundi palibutan muna, at saka nʼyo sila salakayin malapit sa puno ng balsamo.

24. Kapag narinig nʼyo na parang may nagmamartsang mga sundalo sa taas na bahagi ng puno ng balsamo, dali-dali kayong sumalakay dahil iyon ang tanda na pinangungunahan ko kayo sa pagsalakay sa mga Filisteo.”

25. Ginawa nga ni David ang iniutos ng Panginoon sa kanya, at pinagpapatay nila ang mga Filisteo mula sa Geba hanggang sa Gezer.

2 Samuel 5