1. Nang marinig ni Ishboshet na anak ni Saul, na pinatay si Abner sa Hebron, pinagharian siya ng matinding takot pati na ang lahat ng mamamayan ng Israel.
2. May dalawang tauhan si Ishboshet na namumuno sa pagsalakay sa mga lungsod ng mga kalaban: sina Baana at Recab. Mga anak sila ni Rimon na taga-Beerot, mula sa lahi ni Benjamin. Ang Beerot ay sakop ngayon ng Benjamin
3. dahil tumakas ang mga unang naninirahan dito papuntang Gittaim. Hanggang ngayon, naninirahan pa rin sila roon bilang mga dayuhan.
4. (Ang isa pang anak ni Saul na si Jonatan ay may anak na nalumpo, si Mefiboset. Limang taong gulang ito nang dumating ang balitang napatay sina Saul at Jonatan sa labanan sa Jezreel. Nang marinig ng tagapag-alaga ni Mefiboset ang balita, binuhat niya ito at tumakas. Pero dahil sa pagmamadali, nabitawan niya ang bata at nalumpo.)
5. Isang araw, nagpunta sa bahay ni Ishboshet sina Recab at Baana na mga anak ni Rimon na taga-Beerot. Tanghaling-tapat nang dumating sila habang nagpapahinga si Ishboshet.
6-7. Pumasok sila sa bahay na kunwariʼy kukuha ng trigo. Dumiretso sila sa kwarto ni Ishboshet kung saan nakahiga ito sa kama niya at pagkatapos, sinaksak nila ito sa tiyan. Pinutol nila ang ulo ni Ishboshet at dinala nila ito sa kanilang pagtakas. Buong gabi silang naglakbay sa Lambak ng Jordan.
8. Pagdating nila sa Hebron, dinala nila kay David ang ulo ni Ishboshet at sinabi, “Narito po ang ulo ni Ishboshet ang anak ni Saul na kalaban nʼyo, na nagtangka sa inyong buhay. Sa araw na ito, ipinaghiganti kayo ng Panginoon laban kay Saul at sa angkan niya.”
9. Sumagot si David, “Sasabihin ko sa inyo ang totoo sa presensya ng Panginoon na buhay, na nagligtas sa akin sa lahat ng kapahamakan.