2 Samuel 3:8-17 Ang Salita ng Dios (ASND)

8. Nagalit si Abner sa sinabi ni Ishboshet, kaya sumagot siya, “Iniisip mo bang pinagtaksilan ko ang iyong ama, at kumakampi ako sa Juda? Mula pa noon, matapat na ako sa iyong ama, sa pamilya niya at mga kaibigan, at hindi kita ibinigay kay David. Pero ngayon, inaakusahan mo akong nagkasala dahil sa isang babae!

9. Kung ganyan din lang, mabuti pang tulungan ko na lang si David na matupad ang ipinangako ng Panginoon sa kanya, at parusahan sana ako nang matindi ng Dios kapag hindi ko siya tinulungan.

10. Ipinangako ng Panginoon na hindi na niya paghahariin ang sinumang kalahi ni Saul kundi si David ang paghahariin niya sa Israel at Juda, mula Dan hanggang sa Beersheba.”

11. Hindi na nangahas pang magsalita si Ishboshet dahil natatakot siya kay Abner.

12. Pagkatapos, nagsugo si Abner ng mga mensahero kay David na sinasabi, “Kayo ang dapat na maghari sa buong lupain ng Israel. Gumawa po tayo ng kasunduan at tutulungan ko kayong masakop ang buong bayan ng Israel.”

13. Sumagot si David, “Sige, pumapayag akong makipagkasundo sa isang kundisyon: Ibalik ninyo sa akin ang asawa kong si Mical na anak ni Saul sa pagpunta ninyo rito.”

14. Pagkatapos, nagsugo si David ng mga mensahero kay Ishboshet para sabihin, “Ibalik mo sa akin ang asawa kong si Mical, dahil ipinagkasundo kaming ipakasal kapalit ng 100 buhay at balat ng pinagtulian ng mga Filisteo.”

15. Kaya ipinag-utos ni Ishboshet na bawiin si Mical sa asawa nitong si Paltiel na anak ni Laish.

16. Umiiyak na sumunod si Paltiel kay Mical hanggang sa Bahurim. Sinabihan siya ni Abner na umuwi na, at umuwi nga ito.

17. Nakipag-usap si Abner sa mga tagapamahala ng Israel. Sinabi niya, “Matagal nʼyo ng gustong maging hari si David.

2 Samuel 3