3. Si Kileab ang pangalawa, na anak niya kay Abigail, ang biyuda ni Nabal na taga-Carmel. Si Absalom ang pangatlo, na anak niya kay Maaca, ang anak ni Haring Talmai ng Geshur.
4. Si Adonia ang pang-apat, na anak niya kay Hagit. Si Shefatia ang panglima, na anak niya kay Abital.
5. Si Itream ang pang-anim, na anak niya kay Egla. Sila ang mga anak ni David na isinilang sa Hebron.
6. Habang patuloy ang labanan sa pagitan ng mga tauhan ni Saul at ni David, naging makapangyarihang pinuno si Abner sa mga tauhan ni Saul.
7. Isang araw, inakusahan ni Ishboshet si Abner, “Bakit mo sinipingan ang isa sa mga asawa ng ama kong si Saul?” Ang tinutukoy ni Ishboshet ay si Rizpa na anak ni Aya.
8. Nagalit si Abner sa sinabi ni Ishboshet, kaya sumagot siya, “Iniisip mo bang pinagtaksilan ko ang iyong ama, at kumakampi ako sa Juda? Mula pa noon, matapat na ako sa iyong ama, sa pamilya niya at mga kaibigan, at hindi kita ibinigay kay David. Pero ngayon, inaakusahan mo akong nagkasala dahil sa isang babae!
9. Kung ganyan din lang, mabuti pang tulungan ko na lang si David na matupad ang ipinangako ng Panginoon sa kanya, at parusahan sana ako nang matindi ng Dios kapag hindi ko siya tinulungan.
10. Ipinangako ng Panginoon na hindi na niya paghahariin ang sinumang kalahi ni Saul kundi si David ang paghahariin niya sa Israel at Juda, mula Dan hanggang sa Beersheba.”
11. Hindi na nangahas pang magsalita si Ishboshet dahil natatakot siya kay Abner.
12. Pagkatapos, nagsugo si Abner ng mga mensahero kay David na sinasabi, “Kayo ang dapat na maghari sa buong lupain ng Israel. Gumawa po tayo ng kasunduan at tutulungan ko kayong masakop ang buong bayan ng Israel.”
13. Sumagot si David, “Sige, pumapayag akong makipagkasundo sa isang kundisyon: Ibalik ninyo sa akin ang asawa kong si Mical na anak ni Saul sa pagpunta ninyo rito.”
14. Pagkatapos, nagsugo si David ng mga mensahero kay Ishboshet para sabihin, “Ibalik mo sa akin ang asawa kong si Mical, dahil ipinagkasundo kaming ipakasal kapalit ng 100 buhay at balat ng pinagtulian ng mga Filisteo.”
15. Kaya ipinag-utos ni Ishboshet na bawiin si Mical sa asawa nitong si Paltiel na anak ni Laish.
16. Umiiyak na sumunod si Paltiel kay Mical hanggang sa Bahurim. Sinabihan siya ni Abner na umuwi na, at umuwi nga ito.
17. Nakipag-usap si Abner sa mga tagapamahala ng Israel. Sinabi niya, “Matagal nʼyo ng gustong maging hari si David.
18. Ito na ang pagkakataon nʼyo, dahil nangako ang Panginoon sa lingkod niyang si David na sa pamamagitan niya, ililigtas niya ang mga mamamayan niyang Israelita sa kamay ng mga Filisteo at sa lahat ng kalaban nito.”
19. Nakipag-usap din si Abner sa lahi ni Benjamin. At pumunta siya sa Hebron para sabihin kay David na sinusuportahan ng mga mamamayan ng Israel at Benjamin ang pagiging hari niya sa kanila.