27. Nang naroon na si Abner sa Hebron, dinala siya ni Joab sa may pintuan ng lungsod at kunwariʼy kakausapin niya ito nang silang dalawa lang. At doon sinaksak ni Joab si Abner sa tiyan bilang paghihiganti sa pagpatay ni Abner sa kapatid niyang si Asahel. At namatay si Abner.
28. Nang mabalitaan ito ni David, sinabi niya, “Alam ng Panginoon na inosente ako at ang mga tauhan ko sa pagkamatay ni Abner na anak ni Ner.
29. Si Joab at ang pamilya niya ang may pananagutan dito. Sumpain nawa ang pamilya niya at huwag mawalan ng may sakit na tulo, malubhang sakit sa balat, pilay, mamamatay sa labanan, at namamalimos.”
30. (Kaya pinatay ni Joab at ng kapatid niyang si Abishai si Abner dahil pinatay nito ang kapatid nilang si Asahel sa labanan doon sa Gibeon.)
31. Pagkatapos, sinabi ni David kay Joab at sa lahat ng kasama niya, “Punitin ninyo ang inyong mga damit at magsuot kayo ng sako. Magluksa kayo habang naglalakad sa unahan ng bangkay ni Abner sa paglilibing sa kanya.” Nakipaglibing din si Haring David na sumusunod sa bangkay.
32. Inilibing si Abner sa Hebron, at labis ang pag-iyak ni Haring David doon sa pinaglibingan. Ganoon din ang lahat ng tao na nakipaglibing.
33. Inawit ni Haring David ang awit ng kalungkutan para kay Abner:“Bakit namatay si Abner na gaya ng isang kriminal?
34. Hindi iginapos ang mga kamay niya ni ikinadena ang mga paa niya, pero pinatay siya ng masasamang tao.”Muling iniyakan ng mga tao si Abner.
35. Nang araw na iyon, hindi kumain si David, kaya pinilit siya ng mga tao na kumain. Pero nanumpa si David, “Parusahan sana ako nang matindi ng Dios kapag kumain ako ng anuman bago lumubog ang araw.”
36. Natuwa ang mga tao sa mga sinabi ni David. Pati na rin ang lahat ng ginagawa ni David ay kanilang ikinatuwa.
37. Kaya nalaman ng lahat ng mamamayan ng Israel na walang kinalaman si Haring David sa pagkamatay ni Abner.