9. Sinabi niya kay Haring David ang bilang ng mga lalaki na may kakayahang makipaglaban: 800,000 sa Israel at 500,000 sa Juda.
10. Nakonsensya si David, matapos niyang ipasensus ang mga tao. Kaya sinabi niya sa Panginoon, “Nagkasala po ako dahil sa ginawa ko. Kaya nakikiusap ako sa inyo, Panginoon, na patawarin nʼyo ako na inyong lingkod sa kasalanan ko, dahil isa pong kahangalan ang ginawa ko.”
11. Hindi pa nakakabangon si David kinaumagahan nang sabihin ng Panginoon kay Gad na propeta ni David,
12. “Pumunta ka kay David at papiliin mo siya kung alin sa tatlong parusa ang gusto niyang gawin ko sa kanya.”
13. Kaya pumunta si Gad at sinabi, “Alin po sa tatlong ito ang pipiliin nʼyo: Tatlong taon na taggutom sa bansa nʼyo, tatlong buwan na tumatakas kayo sa mga kalaban nʼyo habang hinahabol nila kayo, o tatlong araw na salot sa bansa nʼyo? Pag-isipan nʼyo po ito nang mabuti, at ipaalam nʼyo po sa akin kung ano ang isasagot ko sa Panginoon na nagsugo sa akin.”
14. Sumagot si David kay Gad, “Nahihirapan akong pumili. Mas mabuti pang ang kamay ng Panginoon ang magparusa sa amin kaysa ang mga tao, dahil maawain ang Panginoon.”
15. Kaya nagpadala ang Panginoon ng matinding salot sa Israel mula noong umagang iyon hanggang sa itinakda niyang panahon. At 70,000 tao ang namatay mula Dan hanggang sa Beersheba.
16. Nang papatayin na ng anghel ang mga mamamayan ng Jerusalem, naawa ang Panginoon sa mga tao. Kaya sinabi niya sa anghel na nagpaparusa sa mga tao, “Tama na! Huwag na silang parusahan.” Nang oras na iyon, nakatayo ang anghel ng Panginoon sa may giikan ni Arauna na Jebuseo.
17. Nang makita ni David ang anghel na pumapatay ng mga tao, sinabi niya sa Panginoon, “Ako po ang may kasalanan. Ang mga taong itoʼy gaya ng mga tupa na walang nagawang kasalanan. Ako na lang po at ang sambahayan ko ang parusahan ninyo.”
18. Nang araw na iyon, nagpunta si Gad kay David at sinabi sa kanya, “Umakyat kayo sa giikan ni Arauna na Jebuseo at gumawa kayo roon ng altar para sa Panginoon.”
19. Kaya umakyat si David gaya ng iniutos ng Panginoon kay Gad.
20. Nang makita ni Arauna na paparating si David at ang mga tauhan nito, lumabas siya at lumuhod sa harapan ni David bilang paggalang sa kanya.
21. Sinabi ni Arauna, “Mahal na Hari, bakit po kayo nandito?” Sumagot si David, “Pumunta ako rito para bilhin ang giikan mo, dahil gagawa ako ng altar para sa Panginoon, upang matigil na ang salot.”