2 Samuel 24:19-25 Ang Salita ng Dios (ASND)

19. Kaya umakyat si David gaya ng iniutos ng Panginoon kay Gad.

20. Nang makita ni Arauna na paparating si David at ang mga tauhan nito, lumabas siya at lumuhod sa harapan ni David bilang paggalang sa kanya.

21. Sinabi ni Arauna, “Mahal na Hari, bakit po kayo nandito?” Sumagot si David, “Pumunta ako rito para bilhin ang giikan mo, dahil gagawa ako ng altar para sa Panginoon, upang matigil na ang salot.”

22. Sinabi ni Arauna, “Kunin nʼyo na lang po at ihandog sa Panginoon ang anumang gustuhin nʼyo, Mahal na Hari. Narito ang mga baka para ialay nʼyo bilang handog na sinusunog. Narito rin po ang mga pamatok pati ang mga tabla na ginagamit sa paggiik, at gawin nʼyong panggatong.

23. Mahal na Hari, ibibigay ko po itong lahat sa inyo, at tanggapin sana ng Panginoon na inyong Dios ang handog ninyo.”

24. Pero sumagot si David, “Hindi ko ito tatanggapin ng libre; babayaran kita. Hindi ako maghahandog sa Panginoon kong Dios ng mga handog na sinusunog na walang halaga sa akin.” Kaya binili ni David ang giikan at ang mga baka sa halagang 50 pirasong pilak.

25. Pagkatapos, gumawa siya roon ng altar para sa Panginoon at nag-alay ng mga handog na sinusunog at mga handog para sa mabuting relasyon. Sinagot ng Panginoon ang panalangin ni David para sa Israel, at huminto ang matinding salot.

2 Samuel 24