2 Samuel 20:8-17 Ang Salita ng Dios (ASND)

8. Nang naroon na sila sa malaking bato sa Gibeon, nakasalubong nila si Amasa. Nakabihis pandigma si Joab at nakasuksok ang espada sa sinturon niya. Habang lumalapit siya kay Amasa, lihim niyang hinugot ang espada niya.

9. Sinabi niya kay Amasa, “Kumusta ka, kaibigan?” Pagkatapos, hinawakan niya ng kanan niyang kamay ang balbas ni Amasa para halikan siya.

10. Pero hindi napansin ni Amasa ang espada sa kaliwang kamay ni Joab. Sinaksak siya ni Joab sa tiyan at lumuwa ang bituka niya sa lupa. Namatay siya agad kaya hindi na siya muling sinaksak ni Joab. Nagpatuloy sa paghabol kay Sheba ang magkapatid na Joab at Abishai.

11. Tumayo sa tabi ni Amasa ang isa sa mga tauhan ni Joab at sinabi sa mga tauhan ni Amasa, “Kung pumapanig kayo kina Joab at David, sumunod kayo kay Joab!”

12. Nakahandusay sa gitna ng daan ang bangkay ni Amasa na naliligo sa sarili niyang dugo. Sinumang dumadaan doon ay napapahinto at tinitingnan ang bangkay. Nang mapansin ito ng mga tauhan ni Joab, kinaladkad nila ang bangkay ni Amasa mula sa daan papunta sa bukid, at tinakpan ito ng tela.

13. Nang makuha na ang bangkay ni Amasa sa daan, nagpatuloy ang lahat sa pagsunod kay Joab sa paghabol kay Sheba.

14. Samantala, pumunta si Sheba sa lahat ng lahi ng Israel para tipunin ang lahat ng kamag-anak niya. Sumunod sa kanya ang mga kamag-anak niya at nagtipon sila sa Abel Bet Maaca.

15. Nang mabalitaan ito ni Joab at ng mga tauhan niya, nagpunta sila sa Abel Bet Maaca at pinalibutan ito. Gumawa sila ng mga tumpok ng lupa sa gilid ng pader para makaakyat sila, at unti-unti nilang sinira ang pader.

16. May isang matalinong babae sa loob ng lungsod na sumigaw sa mga tauhan ni Joab, “Makinig kayo sa akin! Sabihin nʼyo kay Joab na pumunta sa akin dahil gusto kong makipag-usap sa kanya.”

17. Kaya pumunta si Joab sa kanya, at nagtanong ang babae, “Kayo ba si Joab?” Sumagot si Joab, “Oo, ako nga.” Sinabi ng babae, “Makinig po kayo sa sasabihin ko sa inyo.” Sumagot si Joab, “Sige, makikinig ako.”

2 Samuel 20