15. Nang mabalitaan ito ni Joab at ng mga tauhan niya, nagpunta sila sa Abel Bet Maaca at pinalibutan ito. Gumawa sila ng mga tumpok ng lupa sa gilid ng pader para makaakyat sila, at unti-unti nilang sinira ang pader.
16. May isang matalinong babae sa loob ng lungsod na sumigaw sa mga tauhan ni Joab, “Makinig kayo sa akin! Sabihin nʼyo kay Joab na pumunta sa akin dahil gusto kong makipag-usap sa kanya.”
17. Kaya pumunta si Joab sa kanya, at nagtanong ang babae, “Kayo ba si Joab?” Sumagot si Joab, “Oo, ako nga.” Sinabi ng babae, “Makinig po kayo sa sasabihin ko sa inyo.” Sumagot si Joab, “Sige, makikinig ako.”
18. Sinabi ng babae, “May isang kasabihan noon na nagsasabi, ‘Kung gusto nʼyong malutas ang problema nʼyo, humingi kayo ng payo sa lungsod ng Abel.’
19. Isa po ako sa mga umaasang magpapatuloy ang kapayapaan sa Israel. Pero kayo, bakit pinipilit nʼyong ibagsak ang isa sa mga nangungunang lungsod sa Israel? Bakit gusto nʼyong ibagsak ang lungsod na pag-aari ng Panginoon?”
20. Sumagot si Joab, “Hindi ko gustong ibagsak ang lungsod nʼyo!
21. Hindi iyan ang pakay namin. Sumalakay kami dahil kay Sheba na anak ni Bicri na galing sa kaburulan ng Efraim. Nagrebelde siya kay Haring David. Ibigay nʼyo siya sa amin at aalis kami sa lungsod ninyo.” Sinabi ng babae, “Ihahagis namin sa inyo ang ulo niya mula sa pader.”
22. Kaya pinuntahan ng babae ang mga nakatira sa lungsod at sinabi niya sa kanila ang plano niya. Pinugutan nila ng ulo si Sheba at inihagis nila ito kay Joab. Pagkatapos, pinatunog ni Joab ang trumpeta at umalis ang mga tauhan niya sa lungsod at umuwi. Si Joab ay bumalik sa hari, sa Jerusalem.
23. Si Joab ang kumander ng buong hukbo ng Israel. Si Benaya naman na anak ni Jehoyada ang pinuno ng personal na tagapagbantay ni David na mga Kereteo at Peleteo.