2 Samuel 20:1-10 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. Ngayon, may isang tao mula sa lahi ni Benjamin na laging naghahanap ng gulo. Siya ay si Sheba na anak ni Bicri. Pinatunog niya ang trumpeta at pagkatapos ay sumigaw, “Mga taga-Israel, wala tayong pakialam kay David na anak ni Jesse! Umuwi na tayong lahat!”

2. Kaya iniwan ng mga taga-Israel si David at sumunod kay Sheba na anak ni Bicri. Pero nagpaiwan ang mga taga-Juda sa hari nila at sinamahan siya mula Ilog ng Jordan papuntang Jerusalem.

3. Nang makabalik na si David sa palasyo niya sa Jerusalem, iniutos niyang dalhin sa isang bahay ang sampung asawa niyang iniwan para asikasuhin at bantayan ang palasyo. Ibinigay niya lahat ng pangangailangan nila pero hindi na niya sinipingan ang mga ito. Doon sila nanirahan na parang mga biyuda hanggang sa mamatay.

4. Pagkatapos, sinabi ng hari kay Amasa, “Tipunin mo ang mga sundalo ng Juda at pumunta kayo sa akin sa ikatlong araw mula ngayon.”

5. Kaya lumakad si Amasa at tinipon ang mga sundalo ng Juda, pero hindi siya nakabalik sa itinakdang araw ng hari.

6. Kaya sinabi ng hari kay Abishai, “Mas malaking pinsala ang gagawin sa atin ni Sheba kaysa sa ginawa ni Absalom. Kaya ngayon, isama mo ang mga tauhan ko at habulin nʼyo siya bago pa niya maagaw ang mga napapaderang lungsod at makalayo siya sa atin.”

7. Kaya umalis si Abishai sa Jerusalem para habulin si Sheba na anak ni Bicri. Isinama niya si Joab at ang mga tauhan nito, ang mga personal na tagapagbantay ni David na mga Kereteo at Peleteo, at ang lahat ng magigiting na sundalo.

8. Nang naroon na sila sa malaking bato sa Gibeon, nakasalubong nila si Amasa. Nakabihis pandigma si Joab at nakasuksok ang espada sa sinturon niya. Habang lumalapit siya kay Amasa, lihim niyang hinugot ang espada niya.

9. Sinabi niya kay Amasa, “Kumusta ka, kaibigan?” Pagkatapos, hinawakan niya ng kanan niyang kamay ang balbas ni Amasa para halikan siya.

10. Pero hindi napansin ni Amasa ang espada sa kaliwang kamay ni Joab. Sinaksak siya ni Joab sa tiyan at lumuwa ang bituka niya sa lupa. Namatay siya agad kaya hindi na siya muling sinaksak ni Joab. Nagpatuloy sa paghabol kay Sheba ang magkapatid na Joab at Abishai.

2 Samuel 20