2 Samuel 2:23-29 Ang Salita ng Dios (ASND)

23. Pero hindi tumigil si Asahel sa paghabol sa kanya, kaya tinusok niya ito ng dulo ng sibat, at tumagos ito hanggang sa likod. Bumagsak siya sa lupa at tuluyang namatay. Napahinto ang lahat ng dumadaan sa lugar na kinamatayan ni Asahel.

24. Nang malaman nina Joab at Abishai ang nangyari, hinabol nila si Abner. Papalubog na ang araw nang makarating sila sa burol ng Amma malapit sa Gia, sa daang papunta sa ilang ng Gibeon.

25. Nagtipon kay Abner sa itaas ng burol ang mga sundalo mula sa lahi ni Benjamin para maghanda sa pakikipaglaban.

26. Sinigawan ni Abner si Joab, “Itigil na natin ang patayang ito! Hindi mo ba naunawaan na sama lang ng loob ang ibubunga nito? Kailan mo patitigilin ang mga tauhan mo sa paghabol sa aming mga kadugo nʼyo?”

27. Sumagot si Joab, “Tinitiyak ko sa iyo, sa harap ng presensya ng Dios na buhay, na kung hindi mo iyan sinabi patuloy kayong hahabulin ng mga tauhan ko hanggang umaga.”

28. Kaya pinatunog ni Joab ang trumpeta, at ang lahat niyang tauhan ay tumigil sa pagtugis sa mga Israelita. At tumigil ang labanan.

29. Buong gabing naglakad si Abner at ang mga tauhan niya sa Lambak ng Jordan. Tumawid sila sa Ilog ng Jordan at nagpatuloy sa paglalakad buong umaga hanggang sa makarating sila sa Mahanaim.

2 Samuel 2