11. at naghari siya sa Juda sa loob ng pitong taon at anim na buwan. Doon siya nanirahan sa Hebron.
12. Isang araw, nagpunta si Abner sa Gibeon mula sa Mahanaim kasama ang mga tauhan ni Ishboshet.
13. Sinalubong sila ni Joab na anak ni Zeruya, kasama ng iba pang mga tauhan ni David doon sa Imbakan ng Tubig sa Gibeon. Umupo ang grupo ni Abner sa kabilang panig ng Imbakan ng Tubig at ang grupo naman ni Joab ay naupo rin sa kabilang panig.
14. Sinabi ni Abner kay Joab, “Paglabanin natin sa ating harapan ang ilan sa mahuhusay nating sundalo.” Pumayag si Joab,
15. at tumayo ang 12 tauhan ni Ishboshet na mula sa lahi ni Benjamin para makipaglaban sa 12 tauhan ni David.
16. Hinawakan nila ang ulo ng isaʼt isa at nagsaksakan hanggang sa mamatay silang lahat. Kaya tinawag na Helkat Hazurim ang lugar na iyon sa Gibeon.
17. At nagkaroon ng matinding labanan sa pagitan ng dalawang grupo. At nang araw na iyon, natalo si Abner at ang mga tauhan ng Israel laban sa mga tauhan ni David.
18-19. Kasama sa labanan ang tatlong anak ni Zeruya na sina Joab, Abishai at Asahel. Mabilis tumakbo si Asahel gaya ng usa, at hinabol niya si Abner nang walang lingon-lingon.
20. Nang lumingon si Abner, nakita niya ito at tinanong, “Ikaw ba iyan, Asahel?” Sumagot si Asahel, “Ako nga.”
21. Pagkatapos, sinabi ni Abner sa kanya, “Huwag mo na akong habulin, iyong isa na lang sa mga kasama ko ang habulin mo at kunin mo ang kagamitan niya.” Pero hindi tumigil si Asahel sa paghabol sa kanya.
22. Muling sinabi ni Abner kay Asahel, “Tumigil ka sa paghabol sa akin! Huwag mo akong piliting patayin ka. Wala na akong mukhang maihaharap sa kapatid mong si Joab kung papatayin kita.”