2 Samuel 19:28-41 Ang Salita ng Dios (ASND)

28. Dapat ay papatayin nʼyo na ang buong angkan ng lolo ko pero binigyan nʼyo ako ng karapatang kumain kasama ninyo. Kaya wala na po akong karapatan pang humingi sa inyo ng pabor.”

29. Sinabi ni David sa kanya, “Huwag na nating pag-usapan ito. Nakapagdesisyon na akong paghatian nʼyo ni Ziba ang lupain ni Saul.”

30. Sinabi ni Mefiboset sa hari, “Ibigay nʼyo na lang po sa kanya lahat. Kontento na akong nakauwi kayo nang ligtas.”

31. Pumunta rin kay David si Barzilai na taga-Gilead galing sa Rogelim. Gusto rin niyang tumulong kina Haring David sa pagtawid sa Ilog ng Jordan.

32. Matanda na si Barzilai; 80 taong gulang na siya. Mayaman siya at siya ang nagbibigay ng mga kailangan ni David noong doon pa ito nakatira sa Mahanaim.

33. Sinabi sa kanya ni David, “Sumama kang tumawid sa akin at manirahan ka na rin sa Jerusalem. Ako ang bahala sa iyo roon.”

34. Pero sumagot si Barzilai, “Hindi na po magtatagal ang buhay ko, bakit pa ako sasama sa inyo sa Jerusalem?

35. Ako po ay 80 taong gulang na, at hindi ko na malaman ang ipinagkaiba ng masarap at hindi masarap. Hindi ko na malasahan ang kinakain at iniinom ko. Hindi ko na marinig ang mga umaawit. Magiging pabigat lang ako sa inyo, Mahal na Hari.

36. Maliit na bagay lang po ang paghahatid ko sa inyo sa Jordan, bakit kailangan nʼyo pa akong gantihan ng ganitong gantimpala?

37. Uuwi na lang ako, para kapag namatay ako, doon ako mamamatay sa sarili kong bayan, kung saan inilibing ang mga magulang ko. Narito ang anak kong si Kimham na magsisilbi sa inyo. Isama nʼyo siya, Mahal na Hari at gawin nʼyo kung ano sa tingin ninyo ang makakabuti sa kanya.”

38. Sumagot ang hari, “Isasama ko siya at gagawin sa kanya ang anumang kabutihang gagawin ko sana sa iyo, at gagawin ko ang anumang hilingin mo sa akin.”

39. Niyakap ni David si Barzilai at binasbasan. Pagkatapos, tumawid si David at ang mga tauhan niya sa Ilog ng Jordan, at umuwi si Barzilai sa bahay niya.

40. Nang makatawid na si David, pumunta siya sa Gilgal kasama si Kimham at ang buong hukbo ng Juda at kalahati ng hukbo ng Israel.

41. Nagpunta ang buong hukbo ng Israel sa hari at nagreklamo kung bakit ang mga kadugo nilang taga-Juda ang nanguna sa pagpapatawid sa kanya at sa sambahayan niya, at sa lahat ng tauhan niya.

2 Samuel 19