20. Inaamin ko po na nagkasala ako, Mahal na Hari. Kaya nga nauna akong dumating dito kaysa sa ibang mga lahi sa hilaga para salubungin kayo.”
21. Pagkatapos, sinabi ni Abishai na anak ni Zeruya, “Hindi baʼt dapat patayin si Shimei dahil isinumpa niya ang piniling hari ng Panginoon?”
22. Pero sinabi ni David, “Kayong mga anak ni Zeruya, ano ang pakialam nʼyo? Huwag na ninyong salungatin ang desisyon ko. Ako na ngayon ang hari ng Israel, at walang taong papatayin sa Israel sa araw na ito.”
23. Kaya sinabi ni David kay Shimei, “Isinusumpa ko na hindi ka papatayin.”
24-25. Pumunta rin doon si Mefiboset na apo ni Saul para salubungin si David. Galing siya sa Jerusalem. Hindi pa siya nakakapaghugas ng paa, nakakapag-ahit ng balbas, at nakakapagpalit ng damit niya mula nang umalis si David sa Jerusalem hanggang sa matagumpay na nakabalik ito. Nang makarating siya roon, tinanong siya ni David, “Mefiboset, bakit hindi ka sumama sa akin?”
26. Sumagot siya, “Mahal na Hari, alam ninyong lumpo ako. Sinabihan ko ang utusan kong si Ziba na ihanda ang asno para makasakay ako at makasama sa inyo pero nagtraydor siya sa akin.