2 Samuel 18:22-33 Ang Salita ng Dios (ASND)

22. Muling sinabi ni Ahimaaz kay Joab, “Kahit ano pa ang mangyari, payagan mo akong sumunod sa taong taga-Etiopia.” Sinabi ni Joab, “Anak, bakit gusto mong gawin ito? Wala ka namang makukuhang gantimpala sa pagbabalita mo.”

23. Sinabi ni Ahimaaz, “Kahit anong mangyari, aalis ako.” Kaya sinabi ni Joab sa kanya, “Sige, umalis ka!” Kaya tumakbo si Ahimaaz at tinahak ang daan papuntang kapatagan ng Jordan, at naunahan pa niya ang taong taga-Etiopia.

24. Habang nakaupo si David sa pagitan ng pintuan ng unang pader at pintuan ng ikalawang pader ng lungsod, umakyat sa pader ang tagapagbantay ng lungsod at tumayo sa bubong ng pintuan. Habang tumitingin-tingin siya roon, may nakita siyang isang taong tumatakbo.

25. Sumigaw siya kay David na may dumarating na tao, nang mga panahong iyon ay nasa ilalim ng bubong ang hari. Sinabi ni David, “Kung mag-isa lang siya, may dala siguro siyang balita.” Habang papalapit nang papalapit ang tao,

26. may nakita pa siyang isang taong tumatakbo rin. Sumigaw siya sa ibaba na may isa pang taong paparating. Sinabi ng hari, “May dala rin siguro siyang balita.”

27. Sinabi ng tagapagbantay, “Para pong si Ahimaaz na anak ni Zadok ang unang paparating.” Sinabi ng hari, “Mabuti siyang tao. Magandang balita siguro ang dala niya.”

28. Pagdating ni Ahimaaz, kinamusta niya ang hari at yumukod siya rito bilang paggalang. Pagkatapos, sinabi niya, “Purihin ang Panginoon na inyong Dios, Mahal na Hari! Pinagtagumpay niya po kayo laban sa mga taong naghimagsik sa inyo.”

29. Nagtanong ang hari, “Kumusta ang binatang si Absalom? Ayos lang ba siya?” Sumagot si Ahimaaz, “Nang ipinatawag ako ni Joab na lingkod nʼyo, nakita ko pong nagkakagulo ang mga tao pero hindi ko alam kung ano iyon.”

30. Sinabi ng hari, “Diyan ka lang.” Kaya tumayo siya sa tabi.

31. Maya-maya pa, dumating ang taong taga-Etiopia at sinabi, “Mahal na Hari, may maganda po akong balita. Iniligtas po kayo ng Panginoon sa araw na ito sa lahat ng naghimagsik laban sa inyo.”

32. Nagtanong sa kanya ang hari, “Kumusta ang binata kong si Absalom? Hindi ba siya nasaktan?” Sumagot ang tao, “Ang nangyari po sana sa kanya ay mangyari sa lahat ng kalaban nʼyo, Mahal na Hari.”

33. Nanginig si David. Umakyat siya sa kwarto sa itaas ng pintuan ng lungsod at umiyak. Habang umaakyat siya, sinasabi niya, “O Absalom, anak ko, ako na lang sana ang namatay sa halip na ikaw. O Absalom, anak ko, anak ko!”

2 Samuel 18