2 Samuel 18:15-23 Ang Salita ng Dios (ASND)

15. Pinalibutan pa ng sampung tagadala ng armas ni Joab si Absalom at tinuluyan siyang patayin.

16. Pinatunog ni Joab ang trumpeta para itigil na ang labanan, at upang tumigil na ang mga tauhan niya sa paghabol sa mga sundalo ng Israel.

17. Kinuha nila ang bangkay ni Absalom at inihulog sa malalim na hukay sa kagubatan, at tinabunan ito ng napakaraming malalaking tipak ng bato. Samantala, tumakas pauwi ang lahat ng sundalo ng Israel.

18. Noong buhay pa si Absalom, nagpatayo siya ng monumento para sa sarili niya sa Lambak ng Hari, dahil wala siyang anak na lalaki na magdadala ng pangalan niya. Tinawag niya itong “Monumento ni Absalom”, at hanggang ngayon, ito pa rin ang tawag dito.

19. Sinabi ng anak ni Zadok na si Ahimaaz, kay Joab, “Payagan mo akong pumunta kay David para ibalita sa kanya na iniligtas siya ng Panginoon sa mga kalaban niya.”

20. Sinabi ni Joab, “Hindi ka magbabalita sa hari sa araw na ito. Pwede sa ibang araw, pero hindi ngayon, dahil namatay ang anak ng hari.”

21. Sinabi ni Joab sa isang tao na galing sa Etiopia, “Puntahan mo si Haring David at sabihin mo ang nakita mo.” Yumukod muna ito kay Joab bago patakbong umalis.

22. Muling sinabi ni Ahimaaz kay Joab, “Kahit ano pa ang mangyari, payagan mo akong sumunod sa taong taga-Etiopia.” Sinabi ni Joab, “Anak, bakit gusto mong gawin ito? Wala ka namang makukuhang gantimpala sa pagbabalita mo.”

23. Sinabi ni Ahimaaz, “Kahit anong mangyari, aalis ako.” Kaya sinabi ni Joab sa kanya, “Sige, umalis ka!” Kaya tumakbo si Ahimaaz at tinahak ang daan papuntang kapatagan ng Jordan, at naunahan pa niya ang taong taga-Etiopia.

2 Samuel 18