16. Pagkatapos, sinabi niya sa kanila, “Ipaalam nʼyo agad kay David na huwag siyang magpaiwan sa tawiran ng Ilog ng Jordan sa disyerto ngayong gabi, tumawid sila agad sa ilog para hindi sila mamatay.”
17. Nang mga panahong iyon, naghihintay sina Jonatan na anak ni Abiatar at Ahimaaz na anak ni Zadok sa En Rogel, dahil ayaw nilang makitang labas-masok sila ng Jerusalem. Pinapapunta na lang nila ang isang aliping babae para sabihin sa kanila ang nangyayari, at saka nila ito sasabihin kay David.
18. Pero isang araw, nakita sila ng isang binatilyo, kaya sinabi niya ito kay Absalom. Kaya nagmamadaling umalis ang dalawa, at pumunta sa bahay ng isang lalaki sa Bahurim. Mayroong balon ang lalaking ito na malapit sa bahay niya, at doon, bumaba sina Jonatan at Ahimaaz para magtago.
19. Kumuha ng takip ang asawa ng lalaki, tinakpan ang balon, at nagbilad siya ng butil sa ibabaw nito para walang maghinalang may nagtatago roon.
20. Nang makarating ang mga tauhan ni Absalom sa bahay ng lalaki, tinanong nila ang asawa nito, “Nakita nʼyo ba sina Ahimaaz at Jonatan?” Sumagot ang asawa, “Tumawid sila sa ilog.” Hinanap sila ng mga tauhan pero hindi sila nakita, kaya bumalik sila sa Jerusalem.
21. Nang makaalis ang mga tauhan ni Absalom, lumabas sina Jonatan at Ahimaaz sa balon, at pumunta sila kay David. Sinabi nila sa kanya “Tumawid po kayo agad sa ilog dahil nagpayo si Ahitofel na patayin kayo.”
22. Kaya tumawid si David at ang mga tauhan niya sa Ilog ng Jordan, at kinaumagahan, nakatawid na sila sa kabila.
23. Nang malaman ni Ahitofel na hindi sinunod ang payo niya, sumakay siya sa asno niya at umuwi sa bayan niya. Pagkatapos niyang magbigay ng mga habilin sa sambahayan niya, nagbigti siya. Inilibing siya sa pinaglibingan ng kanyang ama.
24. Nakarating na si David at ang mga tauhan niya sa Mahanaim. Nakatawid na noon si Absalom at ang mga tauhan nito sa Ilog ng Jordan.
25. Pinili ni Absalom si Amasa na kapalit ni Joab bilang kumander ng mga sundalo. Si Amasa ay anak ni Jeter na Ishmaelita. Ang ina niya ay si Abigail na anak ni Nahash at kapatid ng ina ni Joab na si Zeruya.
26. Nagkampo si Absalom at ang mga Israelita sa Gilead.
27. Nang dumating sina David sa Mahanaim, binati sila nina Shobi na anak ni Nahash na Ammonitang taga-Rabba, Makir na anak ni Amiel na taga-Lo Debar, at Barzilai na Gileaditang taga-Rogelim.
28. May dala silang mga higaan, mangkok, palayok, trigo, sebada, harina, binusang butil, buto ng mga gulay,
29. pulot, mantika, keso at tupa. Ibinigay nila ito kay David at sa mga tauhan niya, dahil alam nilang gutom, pagod, at uhaw na ang mga ito sa paglalakbay nila sa ilang.